5 Ilocano sasabak sa World International Math Olympiad sa Thailand

5 Ilocano sasabak sa World International Math Olympiad sa Thailand

November 29, 2022 @ 5:24 PM 2 months ago


LAOAG CITY – Limang estudyante ng Sarrat National High School (SNHS) ang naghahanda na para sa World International Mathematical Olympiad (WIMO) sa Enero 7-8, 2023 sa Bangkok, Thailand.

Sila ay sina Ma. Cassandra Doque, Christian Ray Malvar, Charlie Quetula, Cesar Alejandro Respicio at Jesrel Briones Gudoy Jr., na nanalo ng apat na gold awards at isang silver plus special awards sa final round ng 2021 Hong Kong International Mathematical Olympiad na ginanap via online platforms Eklavvya at Zoom noong Aug. 28, 2021.

Bilang suporta sa mga kabataang math wizards na muling sasali sa international competition kabilang ang 14 bansa, halos P300,000 donasyon mula sa Mirae Asia Energy Corporation ang tiniyak para sa kanilang airfare, accommodations, at iba pang gastos.

Upang pangasiwaan ang paglalabas ng donasyon, inihayag ni provincial board member Saul Paulo Lazo, chair ng committee on education, nitong Martes na nagpasa ang mga miyembro ng Ilocos Norte board ng resolusyon nitong Lunes na nagbibigay-awtorisasyon kay Governor Matthew Joseph Manotoc na tanggapin ang P300,000 donasyon mula sa  Mirae Asia, na nagpapatakbo ng solar power farm sa Currimao, Ilocos Norte.

“The donated amount is meant to share in the burden of the participants,” ani Lazo.

“We are very grateful for all the support we are getting from various education stakeholders,” sabi naman ni Michael Malvar, isa sa mga coach ng mga estudyante.

Sinabi naman ni schools division superintendent Joann Corpuz, “The Schools Division of Ilocos Norte is very happy with this achievement of our students. This proves that the pandemic is not a hindrance for education to continue.”

Sa pangangasiwa ng Hong Kong at Thailand Mathematics Society, ang taunang international olympiad competition ay naglalayon na palaguin ang interes ng mga kabataan na matuto ng matematika, palakasin ang creative thinking ability, palawakin ang kanilang international perspective, at isulong ang development ng primary at secondary education at palitan ng educational cultures sa mga bansa at rehiyon.

Kabilang sa mga inimbitahan sa kompetisyon ang Hong Kong, China, Indonesia, Singapore, Malaysia, Thailand, Ukraine, Philippines, Kyrgyzstan, Iran, Taiwan, Vietnam, Myanmar at Cambodia. RNT/SA