5 indibidwal inihabla ng BSP, PNP sa pagsira sa pera

5 indibidwal inihabla ng BSP, PNP sa pagsira sa pera

September 9, 2022 @ 5:38 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Naghain ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ang Philippine National Police (PNP) ng kaso laban sa limang indibidwal na sumira sa Philippine currency banknotes sa videos na ini-upload sa social media.

Sinabi ni BSP nitong Biyernes na inihain nila ang kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Nauna nang natukoy ng PNP Anti-Cybercrime Group ang mga suspek na isang foreign social media influencer at apat na Filipino vloggers.

Ayon dito, kabilang sa violations ang pagpunit sa ₱20 bill bilang bahagi ng “social experiment;” pag-staple sa ilang banknotes para sa isang basketball game; paggamit ng ₱50 bill bilang embudo sa pagsasalin ng mantika, pagbutas sa ₱1,000 bill bilang parte ng magic trick; at paggamit ng ₱500 bills upang punasan ang dumi ng sapatos bago ito lamukutin at itapon sa kalsada.

“These individuals were charged with violation of Presidential Decree (PD) No. 247, in relation to Article 154 of the Revised Penal Code (RPC), as amended, and Republic Act No. 10175 (Cybercrime Prevention Act),” sabi ng BSP.

Ipinagbabawal sa ilalim ng PD No. 247 ang “defacing, mutilating, tearing, or partially burning or destroying Philippine peso bills”. Sinumang lalabag dito ay mahaharap sa pagkakakulong ng hanggang limang taon na walang piyansa o ₱20,000.

Samantala, sinumang humihikayat sa hindi paglabag sa batas, sa anumang uri ng paglathala, ay paparusahan ng pagkakakulong at pagmumultahin sa ilalim ng Article 154 of the RPC.

“The BSP urges the public to handle all Philippine banknotes and coins with due respect and dignity, and to protect their integrity as part of the country’s rich culture and heritage,” ayon sa BSP. RNT/SA