5 kalaboso sa P204K shabu sa Navotas

5 kalaboso sa P204K shabu sa Navotas

January 26, 2022 @ 2:08 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Arestado ang limang drug personality kabilang ang isang miyembro ng criminal gang na “Legaspi Drug Group” matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyon halaga ng shabu sa isinagawang magkahiwalay na drug operation ng pulisya sa Navotas City.

Ayon kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-2:50 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr, at Intelligence Section ng buy bust operation sa Badeo 5, Brgy. San Roque.

 Agad sinunggaban ng mga operatiba ang kanilang target na si Henison Tanghal alyas “Entong”, 43, miyembro ng criminal gang na “Legaspi Drug Group” matapos bintahan ng P500 halaga ng shabu ang isang police poseur-buyer.

Narekober sa kanya ang tinatayang nasa 19.74 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P134, 232.00, marked money, P500 cash at coin purse.

Nauna rito, alas-10:20 ng gabi nang madakma din ng kabilang team ng SDEU si Jeffrey Jaime alyas “Ulo”, 31, (Pusher/Listed), Welissa Mandigma, 30 at Leonar Gaspar, 31, sa buy bust operation sa B. Cruz St., Brgy. Tangos. Nakuha sa kanila ang tinatayang nasa 10.4 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P70, 720.00 at P500 marked money.

Samantala, naaresto naman ng mga tauhan ng Northern NCR Maritime Police Station sa pangunguna ni P/Capt. Luisito Balatico sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Major Randy Lodivice na nagsasagawa ng foot patrol sa Kadamay St., Market 3, Brgy. NBBN alas-3 ng hapon si Oliver Alarcon alyas “Bato”, 47, matapos makuhanan ng dalawang transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu. (Boysan Buenaventura)