5 MALALAKING BANSA OKS NA SA BAGONG GOBYERNO NG PINAS

5 MALALAKING BANSA OKS NA SA BAGONG GOBYERNO NG PINAS

May 13, 2022 @ 11:20 AM 2 weeks ago


LIMANG malalaking bansa ang kumilala na sa bagong pamunuan at gobyerno ng mahal kong Pinas at sa malinis at mabilis na halalan.

Sunod-sunod o sabay-sabay ang mga bansang China, Japan, Australia, United States at Britain na kumilala sa bagong pamunuan ng bansa bilang lehitimo dahil malinis at mapayapang halalan ang pagwawagi ng mga ito.

Anila, handa silang makipagtulungan sa gobyerno nina President-elect ex-Senator Ferdinang ‘Bongbong’ Marcos at Vice President-elect Davao City Mayor Sara Duterte.

Ang China bumati rin sa mga nagwaging ibang mga kandidato mula sa mga national na posiyon hanggang sa mga lokal.

Pare-pareho ang mga bansang ito na nagsasabing sana’y lalong yayabong ang relasyon ng kanilang mga bansa at Pilipinas sa lahat ng larangan mula sa mga usaping pang-ekonomiya, seguridad, terorismo at pamamahala.

PAMBANSANG INTERES ISULONG

Sa pagbati ng nasabing malalaking bansa, dala nila ang sarili nilang iringan kaugnay ng giyera sa Russia at Ukraine at sa West Philippine Sea, lalo na ang Exclusive Economic Zone.

Partikular sa pagitan ng China at Pilipinas, naririyan naman ang iringan ng dalawa sa bahagi ng South China Sea na sakop ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas ngunit itinuturing namang teritoryo ng China.

Itong iringan sa EEZ ang sinasakyan naman ng US, Britain, Japan at Australia para isulong nila ang kanilang interes na daluyan ito ng kanilang negosyo na nagkakahalaga ng nasa $3.5 hanggang $5 trilyon.

Sa bahagi ng Pilipinas, pinanatili sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang matinding pag-iingat na hindi sisiklab sa giyera ang iringan ng Pilipinas at China sapagkat matatalo lang ang Pilipinas.

Kaaway naman ng nasabing mga bansa ang turing sa China at gustong kabigin ang Pilipinas na kakampi nila na unang isusubo nila sa giyera sa China at hindi ang kanilang mga sariling pwersa.

Paano silipin at igiit ng bagong pamunuan at gobyerno ang higit na interes ng Pilipinas kaysa ang interes ng ibang mga bansa?

Paano nila babalansehin ang lahat kahit man lang maabot ang kalagayang win-win solution sa lahat ng mga problema sa EEZ?

Paano rin isulong ng bagong pamunuan at gobyerno ang neutral na posisyon sa giyerang Russia at Ukraine at higit na isulong ang mapayapag paglutas sa mga sigalot dahil naririyan na nga ang giyera, lalo na sa Ukraine at Russia?

PANLABAS NA RELASYON

Itong panlabas na relasyon ng bansa ang isang mahalagang pagtuunan ng pansin ng bagong pamunuan at gobyerno dahil konektado ito sa mga nagaganap na giyera, problema sa suplay at presyo ng langis, pagkain, pangangailangan sa agrikultura, teknolohiya, pinansya, empleyo sa abroad at dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas na labis na nakaaapekto sa atin.

Paano pipigain ang pakikipagrelasyon sa ibang bansa ng bagong pamunuan at gobyerno upang ang mga magagandang katas nito ay mapakikinabangan ng buong sambayanan?

Paano makatutulong dito ang milyon-milyong bumoto sa bagong pamunuan at gobyerno para maigiit ang ating mga pambansang interes at pakinabang sa pakikipagrelasyon sa ibang mga bansa?