5 mall sa NCR na may ‘register anywhere’ drive tinukoy ng Comelec

5 mall sa NCR na may ‘register anywhere’ drive tinukoy ng Comelec

December 5, 2022 @ 2:57 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Tinukoy na ng Commission on Elections (Comelec) ang limang malls sa National Capital Region kung saan gagawin ang “register anywhere” drive mula Disyembre 17, 2022 hanggang Enero 25, 2023.

Sinabi ni Comelec spokesperson Atty. Rex Laudiangco na kabilang dito ang Mall of Asia, SM Fairview, SM South Mall, Robinsons Galleria, at Robinsons Place Manila.

Paliwanag ni Laudiangco, sakaling hindi nakatira sa Metro Manila ngunit nagkataong narito ang botante ay maaari namang pumunta sa mga registration venue o register anywhere booth.

Aniya, ang thumbprints at iba pang biometrics ay gagawin sa booth saka ipapadala ng Comelec sa munisipalidad ng botante.

“Napakaganda po kasi nito para sa ating mga mag-aaral, nagta-trabaho sa Metro Manila, na walang pagkakataong umuwi sa kanilang mga probinsya,” saad ni Laudiangco sa isang televised briefing.

Dagdag pa niya, bukas din ang register anywhere booth sa mga paalis na OFW at mga seaman para sila ay makapagparehistro.

Samantala, sinabi ni Laudiangco na ang mga nais na magpa-reactivate ng kanilang voters ID ay hindi na kailangang bumisita sa mga opisina ng Comelec.

Maaaring idownload ang form sa Comelec website at ipadala sa Comelec election officer.

Ang mga alalahanin tungkol sa talaan ng pagpaparehistro ng botante ay maaaring ipadala naman sa [email protected] Jocelyn Tabangcura-Domenden