5 malls sa NCR sa pilot Register Anywhere Project, pinangalanan na

5 malls sa NCR sa pilot Register Anywhere Project, pinangalanan na

November 30, 2022 @ 6:31 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinangalanan na ng Commission on Elections (Comelec) ang limang Metro Manila malls na unang pagdarausan ng pilot test ng Register Anywhere Project (RAP) sa susunod na buwan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na ang mga ito ay SM Fairview sa Quezon City, SM Mall of Asia sa Pasay City, SM South Mall sa Las Piñas City, Robinsons Place Manila, at Robinsons Galleria sa Quezon City.

“Ito (RAP) ay magsisimula sa Disyembre 17, 2022 at hanggang Enero 22, 2023. Ito ay gaganapin tuwing Sabado at Linggo,” ani Laudiangco sa isang pahayag.

Bukod sa mga mall, hinangad din ng Comelec na isama ang opisina ng Senado sa Pasay City, House of Representatives sa Quezon City, at ang Government Service Insurance System (GSIS) main office sa Pasay City.

Gayundin, sinabi niya na pinaplano nilang isama ang Bicol at Eastern Visayas bilang karagdagang lugar para sa pilot test ng RAP.

Sa ilalim ng RAP, sinumang kwalipikadong aplikante na naninirahan saanman sa Pilipinas ay maaaring magparehistro sa RAP booths sa pamamagitan ng pagsusumite ng kanilang application form at documentary requirements, at pagkuha ng kanilang biometrics on-site. RNT