5 mandurukot sa bus tiklo ng QCPD

5 mandurukot sa bus tiklo ng QCPD

November 11, 2022 @ 5:10 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nalambat ng Quezon City Police District (QCPD) ang limang mandurukot sa bus matapos na muli na naman silang nambiktima ng mga pasahero sa nasabing lungsod.

Kinilala ni QCPD Director PBGEN Nicolas Torre III ang mga nadakip na sina Emilio Delfin III, 40 anyos, residente ng Brgy. 527, Sampaloc, Manila; Jhon Mark Gavina Jr, 33, ng Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Q.C., Renante Pambuena, 40, ng Brgy. Batasan Hills, Q.C., Jomari Nadayao, 24, Bagong Silang, Caloocan City at Aries Labuca, 40 , nakatira sa Brgy. Ramon Magsaysay, Bago Bantay, Q.C.

Ayon kay Kamuning Police Station 10 commander PLTCOL Robert Amoranto, dakong 6:10 ng umaga (November 10) nang dakpin ng mga rumurondang mga Tactical Motorcycle Riders Unit (TMRU) ang mga suspek sa EDSA corner Panay Ave., Brgy. South Triangle, Q.C.

Lumalabas na sumakay ang lima sa isang pampasaherong bus at dito ay magkakasabwat na kinuha ang mga cellphones ng mga biktima na sina Nadine Santelices at Bryan Bataan sa kanilang mga bulsa.

Nakita ni Santelices ang ginawang pagkuha ng mga suspek sa kanyang cellphone sanhi upang komprotahin niya ang lima hanggang sa makarating sa GMA MRT Station kung saan bumaba ang mga ito at mabilis na sumakay sa bus patungong East Avenue.

Agad naman na nagsumbong ang mga biktima sa TMRU patrollers na siyang humabol sa mga suspek.

Pagsapit sa PLDT East Avenue, muling bumaba ang lima sa sinakyan na bus at dito na sila dinakip ng mga pulis makaraan ituro sila ng mga biktima.

Narekober mula sa mga suspek ang dalawang unit ng Redmi Cellular phones, isang I-phone, at Realme na pag-aari ng mga biktima.

Nakapiit na ang lima na nahaharap sa paglabag ng dalawang bilang na pagnanakaw.

“Dahil sa pinaigting na police visibility sa lansangan, malaking bagay ito para sa seguridad ng ating mamamayan, kapayapaan at kaayusan sa komunidad,” pahayag ni Torre. Jan Sinocruz