5 metro mayors susunod sa TRO ng SC kontra NCAP

5 metro mayors susunod sa TRO ng SC kontra NCAP

August 31, 2022 @ 9:20 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na agad na susunod ang mga Metro Manila mayors sa kautusan ng Supreme Court (SC) tungkol sa pansamantalang pagpapatigil ng implementasyon ng no-contact apprehension policy o NCAP.

Sinabi ni Olivarez na ang Paranaque, kabilang ang apat pang lungsod sa Metro Manila na nauna nang nakapagpatupad ng NCAP, ay tumatalima sa kautusan na temporary restraining order (TRO) ng SC.

Bukod sa Parañaque, ang apat pang lugnsod na nagpapatupad ng NCAP sa kani-kanilang lugar na nasasakupan ay ang Quezon City, Manila, Valenzuela City at San Juan City.

Nakapaloob sa kautusan ng SC na ang lahat ng ginagawang panghuhuli na nakapaloob sa programa ng NCAP at ordinansa na may kinalaman dito ay ipinagbabawal hanggang sa ilalabas na susunod na kautusan ng korte.

Nauna dito ay sinabi ni City Administrator Atty. Voltaire dela Cruz na unang nakarating sa kaalaman ng lokal na pamahalaan ang balitang TRO kontra NCAP sa pamamagitan ng social media post.

Makaraang makarating sa kaalaman ni Olivarez ang inisyung TRO ng SC ay agad itong ipinag-utos ang pagpapatigil sa pagpapatupad ng NCAP sa lugnsod bilang tugon sa SC order.

Nito lamang Agosto 18 ay naglabas ng pinagkaisang salaysay ang limang Metro Manila mayors na nagdedeklara ang mga ito ng iisang desisyon na ipagpatuloy ang implementasyon ng NCAP sa kanilang mga lugar na nasasakupan.

Ang paglalabas ng statement ng mga metro mayors ay bunsod sa petisyon na isinampa ng iba’t ibang grupo na kinabibilangan ng Kilusan sa Pagbabago ng Industriya ng Transportasyon, Inc. (KAPIT), Pangkalahatang Saggunian Manila and Suburbs Drivers Association Nationwide (Pasang-Masda), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), at ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) para mapatigil ang implementasyon ng NCAP.

Matatandaan na ang lokal na pamahalaan ng Paranaque ang pinakaunang nagpatupad ng NCAP noong 2018 upang matugunan at mabigyan ng solusyon ang problema ng trapiko sa lungsod partikular na sa kahabaan ng Sucat Road.

Ipinatupad ang NCAP sa lungsod noong administrasyon ni dating mayor at kasalukuyang 1st District Representative Edwin L. Olivarez. James I. Catapusan