5 minor, 1 pa huli sa buy-bust sa Vigan City

5 minor, 1 pa huli sa buy-bust sa Vigan City

July 6, 2021 @ 12:28 PM 1 year ago


ILOCOS SUR- Limang menorde-edad at isang 20-anyos na babae ang naaresto sa  isinagawang anti-illegal drug operation ng mga otoridad sa San Julian Sur, Vigan City ng lalawigang ito kagabi.

Ayon kay Police Lt. Col. David G. Dulnuan, hepe ng Vigan City Police Station, apat  sa mga menor de edad ang lalaki habang isa naman ang babai. Isa  sa kanila ang  16-anyos, habang ang apat na iba pa ay pawang mga 17 anyos.

Ang anim na naaresto ay pawang mga taga-Vigan City.

Nabatid na isa sa mga 17-anyos na suspek ang nakipagtransaksyon at pagkatapos ay nakipagtagpo sa hindi kilalang poseur buyer na pulis para bentahan ng hinihinalang marijuana dried leaves pero nang makatunog na isa itong buy-bust operation ay agad na tumakbo ang suspek  para tumakas hanggang sa makarating sa isang abandonadong bahay sa naturang lugar.

Agad naman siyang nasundan ng mga otoridad at pagdating nila sa lugar, dito nila naaktuhan ang mga apat na kasama ng suspek na nagpa-pot session.

Sa buy-bust operation, tinatayang may kabuuan na 10 gramo at nagkakahalaga ng P1,200 ang mga nakumpiska ng mga otoridad na  hinihinalang marijuana dried leaves samantalang sa pot session naman ay tinatayang  5 gramo at may DDB value na Php 600.

Ang buy-bust operation ay ikinasa ng mga pinagsanib na puwersa ng Vigan CPS (lead unit), ISPIU, ISPDEU, RID 1, PDEA ISPO, RDEU1 103rd Maritime Group at !st ISPMFC. Rolando S. Gamoso