5 palapag na puntod gumuho sa aklan

5 palapag na puntod gumuho sa aklan

November 1, 2022 @ 3:15 PM 4 weeks ago


BANGA, Aklan- Dismayado ang mga kaanak pagdating sa public cemetery sa bayang ito dahil wala silang naabutan na puntod ng kanilang mahal sa buhay matapos gumuho ang limang palapag na apartment-type na puntod sa bayang ito, iniulat umaga ng Martes, Nobyembre 1.

Ayon kay Engr. Hermie Seraspi, municipal engineer ng lokal na pamahalaan ng Banga, posibleng sanhi ng katatapos lamang na bagyo ay lumambot na ang pundasyon ng may 15 puntod.

Kaagad naman nagsagawa ng clearing operation ang mga awtoridad at pansamantalang inilipat ang mga nahukay na kabaong.

Nagsagawa rin ng disinfection ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Banga para maiwasan malanghap ang hindi kanais-nais na amoy mula sa ibang kabaong na sariwa pa dahil ang iba ang dalawang buwan pa lamang naililibing.

Mahigpit na rin ipinagbabawal ng mga awtoridad ang lumapit sa gumuhong mga puntod para maiwasan ang aksidente. Mary Anne Sapico