5 pang bangkay ng mga miyembro ng NPA, nahukay

5 pang bangkay ng mga miyembro ng NPA, nahukay

July 10, 2022 @ 1:00 PM 1 month ago


MACONACON, ISABELA- Nahukay ang lima pang bangkay ng mga miyembro ng Communist Terrorist Group o CTGs ng kasundaluhan sa Barangay Canadam, Maconacon, Isabela.

Sa tulong ng mga dating rebeldeng mga tauhan na nagbigay ng impormasyon sa 502nd Infantry Brigade kung kayat agad kumilos ang kasunduhan ng 95th Infantry Battalion.

Ang mga nahukay na bangkay ay kinilalang sina alyas Rigid/Mawin, Commanding Officer ng Front Operation Command (FOC), alyas Brad/Airus, Vice Commanding Officer ng FOC, alyas Dondon, Vice Squad Leader ng Squad Uno, alyas Monmon, miyembro ng Squad Uno at alyas Bambo, miyembro ng Squad Dos, ng Komite Probinsya Isabela, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.

Matatandaan na noong ika-3 ng Hulyo, nahukay ang mga bangkay nina alyas Eloy, 1st Deputy Secretary, alyas Bryan, at alyas Marco, kapwa mga miyembro ng Squad Dos.

Sa rebelasyon ng mga dating rebelde, ang kanilang mga dating kasamahan ay namatay dahil sa hidwaan ukol sa pamumuno sa kanilang organisasyon.

Dahil sa hindi pagkakasundo, nagawang patayin ng mga ito ang isa’t isa.

“Ang hindi nila pagkakasundo-sundo sa loob ng kanilang organisasyon ay manipestasyon na rin ng pagkakawatak-watak ng kanilang samahan.”

Ayon kay LtC Carlos Sangdaan Jr., Battalion Commander ng 95IB, hindi na rin magtatagal ay sila na mismo ang magpapabagsak sa kanilang organisasyon.

Samantala, ang Lokal na Pamahalaan ng Maconacon ang nagbigay ng disenteng libing sa natagpuang walong bangkay.

Nagpahayag si BGen Danilo D Benavides, Brigade Commander ng 502nd Brigade na mas paiigtingin pa ng kanilang hanay ang isinasagawang opensiba laban sa mga natitirang miyembro ng teroristang grupo.

Dahil dito, muling hinikayat ang mga nalalabing miyembro na magbalik-loob na sa pamahalaan para makapiling ang kanilang mahal sa buhay. Rey Velasco