5 parak na sangkot sa missing e-sabong agent, sinibak sa pwesto – PNP spox

5 parak na sangkot sa missing e-sabong agent, sinibak sa pwesto – PNP spox

December 20, 2022 @ 3:24 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinibak sa pwesto ang limang miyembro ng Philippine National Police (PNP) na umano’y sangkot sa pagkawala ng e-sabong agent sa Laguna.

Batay sa ulat, sila ay sina Police Staff Sergeant Daryl Paghangaan, Patrolman Roy Navarete, Patrolman Rigel Brosas, Police Lieutenant Henry Sasaluya, at Police Master Sergeant Michael Claveria.

Inanunsyo ito ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo sa ambush interview.

“Napirmahan na ‘yung dismissal case nila, I think, last week,” ani Fajardo.

“Kailangan lang po talaga maipareceive sa kanila officially para at least they will be given the opportunity, as part of due process, to appeal yung recommended penalty sa kanila,” dagdag niya.

Nitong Lunes, inanunsyo ng Department of Justice na maghahain ito ng kaso laban kina Paghangaan, Navarete, at Brosas dahil sa robbery at kidnapping ng e-sabong agent na si Ricardo Lasco.

Ayon sa DOJ, ibinasura ang reklamo laban kina Sasaluya at Claveria dahil sa lack of probable cause.

Subalit, sinabi ni Fajardo na nagkasa ng administrative case for grave misconduct laban kina Sasaluya at Claveria. Aniya, tinanggal sa pwesto ang mga nasabing pulis dahil sa bigat ng ebidensya laban sa kanila.

“Although doon sa nirekomenda na kaso ng DOJ ay 3 lamang po ‘yung nahanapan ng probable cause and corresponding information will be filed against these 3, but ‘yung five na-involve dito ay nakitaan ng substantial evidence doon sa kanilang admin case at ang recommendation sa kanila ay dismissal from service,” aniya. RNT/SA