5 patay, 192 sapul ng gastro outbreak sa NegOr

5 patay, 192 sapul ng gastro outbreak sa NegOr

February 9, 2023 @ 4:50 PM 1 month ago


NEGROS ORIENTAL –Lima na ang nasawi habang nasa 192 katao kabilang ang mga bata na tinamaan ng gastroenteritis sa lalawigan ito.

Sa pahayag ni Acting Provincial Health Office (PHO) chief, Dr. Liland Estacion, ngayong araw (Huwebes) ang ikalimang nasawi ay mula sa Vallehermoso, Negros Oriental.

Sinabi ni Estacion na ang mga kaso ay nagmula sa Barangay Puan, na kung saan ang pinagkukunan nilang tubig ay kontaminado na naging sanho ng viral infections.

Aniya, ang naturang sitwasyon ay nakakaalarma na kailangan ng agaran lunas habang hinihintay ang resulta ng laboratoryo ng ipinadala na sample ng tubig mula sa barangay.

Agad naman namahagi ng pamahalaan panlalawigan sa 100 kabahayan o pamilya ng jerry cans at water filtration tablets at pinayuhan na rin ang mga residente sa Barangay Puan na umiinom ng tubig sa kanilang mga gripo na kailangan pakuluan ito para hindi na madagdagan pa ang mga nagkakasakit o tamaan ng virus infection at namahagi na rin ng hydration salts.

Sinabi ni Estacion na kumuha din sila ng rectal swabs para sa laboratory testing sa Cebu City upang matukoy ang pagkakaroon ng cholera.

Paliwanag pa ni Estaction na ang gastroenteritis ay isang pangkalahatang termino lamang para sa mga partikular na kaso tulad ng amoebiasis, kolera, at iba pang katulad na mga impeksyon, at ang mga pasyente ay nagpapakita ng mga sintomas tulad ng pagtatae at pagsusuka.

Ang ilang mga pasyente ay ipinadala sa ospital habang ang iba ay nagpapagaling mula sa bahay.

Dagdag pa ni Estacion na ang mga kaso ng gastro ay hindi nakukuha sa pagitan ng mga tao kundi sa pamamagitan ng kontaminadong pagkain o tubig. Mary Anne Sapico