5 patay sa nasunog na illegal na pagawaan ng paputok sa Laguna

5 patay sa nasunog na illegal na pagawaan ng paputok sa Laguna

November 19, 2022 @ 8:26 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Patay ang limang indibidwal samantala dalawa ang sugatan sa nasunog na di umano’y illegal na pagawaan ng paputok sa Calamba City, Laguna nitong Biyernes, Nobyembre 19.

Sa impormasyon ni Calamba City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) chief Noriel Habaña, bandang alas-10 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa isang bahay sa residential area sa naturang lugar.

Sa ulat, nakarinig umano ng pagsabog ang mga residente sa nasunog na bahay at kalaunan ay nakadamay pa ito ng apat iba pang tirahan.

“Initially, ang report may sumabog at ito nga po napag-alaman na may mga ginagawang paputok. ‘Di pa po namin masabi kung gaano kalaki ang impact dahil ongoing pa ang investigation,” pahayag ni Habaña sa panayam ng DZBB.

Dagdag pa, napag-alaman na hindi pala residente ng lungsod ang mga biktima na pawang mga nagmula pa sa Albay.

Sa kasalukuyan ay inaalam pa ng mga awtoridad kung sino ang may-ari ng bahay o namamahala sa naturang pagawaan.

Nangako naman ang alkalde ng lungsod na mananagot ang nasa likod ng illegal na pagawaan ng paputok. RNT/JGC