5% POGO franchise tax labag sa Konstitusyon-SC

5% POGO franchise tax labag sa Konstitusyon-SC

September 30, 2022 @ 11:51 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Idineklara ng Korte Suprema na labag sa konstitusyon ang isang probisyon sa Bayanihan 2 Law at ilang mga revenue circular na nagpapataw ng 5% franchise tax sa mga gross bet o turnovers mula sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs).

Sa isang 42-pahinang desisyon, idineklara ng Korte Suprema ang Seksyon 11(f) at (g) ng Bayanihan 2 Law na labag sa konstitusyon.

Nakasaad sa Seksyon 11 na ang 5% na buwis sa prangkisa batay sa kabuuang taya o turnovers na nakuha ng mga POGO. Ang batas ay nagsasaad na ang kita ay magpapatuloy na kokolektahin pagkatapos ng dalawang taon o kapag natukoy na ang pagkontrol sa COVID-19.

“The imposition of new taxes, camouflaged as part of a long list of existing taxes, cannot be contemplated as an integral part of a temporary COVID-19 relief measure. Invariably, Section 11(f) and (g) of the Bayanihan 2 Law are unconstitutional, in so far as it imposes new taxes on POGO licensees,” ayon sa Mataas na Hukuman.

Dahil dito, idineklara din ng Korte Suprema na invalid ang RR No. 30-2020 at RMC No. 64-2020, na inilabas para ipatupad ang Section 11 ng Bayanihan Law dahil sa walang legal na basehan.

Idineklara din nitong null and void Revenue Memorandum Circular 102-2017 at Revenue Memorandum Circular 78-2018, “in so far as they impose franchise tax, income tax, and other applicable taxes upon offshore-based POGO licensees.”

Ayon sa korte, ang Republic Act 11590 o isang Act Taxing Philippine Offshore Gaming Operations ay hindi maaaring ilapat nang retroactive.

Ang desisyon ay ipinahayag noong Disyembre 7, 2021 ngunit inilabas lamang noong Setyembre 21, 2022.

Nag-ugat ang kaso sa petisyon na inihain ng ilang offshore-based POGO licensee. RNT