5 rehiyon uulanin sa LPA

5 rehiyon uulanin sa LPA

December 29, 2022 @ 6:49 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Magpapaulan ang namumuong bagyo o low pressure area sa limang rehiyon ngayong Huwebes, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA.

Sa 3am weather bulletin, huling namataan ang LPA sa layong 135 kilometro hilagang-silangan ng Surigao City, Surigao del Norte o 100 kilometro timog-silangan ng Guiuan, Eastern Samar habang ang northeast monsoon ang makakaapekto sa Luzon.

Makararanas naman ang MIMAROPA, CALABARZON, Bicol Region, Eastern at Western Visayas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa LPA kung saan posible ang pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, at Aurora ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan dahil sa northeast monsoon na may posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa kung minsan ay malakas na pag-ulan.

Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng Luzon ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may mahinang mga pag-ulan dahil sa northeast monsoon na walang makabuluhang epekto.

Ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dahil sa labangan ng LPA at mga localized thunderstorm na may posibleng pagbaha o pagguho ng lupa sa panahon ng matinding pagkulog.

Sumikat ang araw bandang 6:20 ng umaga at lulubog ito 5:36 ng hapon. RNT