5 robbery-holdup members timbog sa Pasay

5 robbery-holdup members timbog sa Pasay

January 10, 2023 @ 9:44 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Arestado ang limang miyembro ng kilabot na Donggan brothers robbery/holdup gang sa ikinasang follow-up operation ng pinagsanib na pwersa ng Station Intelligence Section (SIS) at Investigation & Detective Management Section (IDMS) ng Pasay City police Lunes ng Gabi (Enero 9).

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Byron Tabernilla ang mga inarestong suspek na sina Viron Baning a.k.a. Byron Donggan (lider ng naturang grupo) 21, residente ng  MaryLuz St. Brgy.127, Pasay City; Bryan Bautista y Buligan a.k.a. Bryan, 38, residente ng Gloria St. M. Dela Cruz, Pasay City; Michael Perez y Javier @Wak-Wak, 19; Jeffrey Novencido y Bañaga a k.a. Japok, 39; at Kristine Javier a.k.a. Tin, 26, pawang mga residente ng M. Dela Cruz, Brgy. 130, Pasay City.

Base sa report na isinumite kay Tabernilla, dakong alas 10:00 ng gabi ng isinagawa ng mga miyembro ng SIS at IDMS ang operasyon sa safehouse ng mga suspek sa De Agosto, Sta. Clara San Roque Street., Brgy. 131, Zone 13, Pasay City, na nagresulta ng pagkakaaresto ng mga ito.

Ang mga suspects na pinamumunuan ni Baning ay sangkot sa pangho-holdup sa ibat-ibang lugar sa kamaynilaan kung kaya’t ang grupong ito ay nakatala sa mga Kriminal Gang ng Intelligence Section ng Pasay City police.

Nag-ugat ang pagsasagawa ng operasyon laban sa mga suspects matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad mula sa isang confidential imformant na ang grupo ng “ Byron Donggan” Criminal Gang ay nagpupulong sa kanilang safehouse at nagpaplanong magsagawa ng kanilang susunod na operasyon ng  pangho-holdup.

Makaraang matanggap ang impormasyon ay agad na nag-organisa ng follow-up operation ang mga operatiba at pagdating sa safehouse ng mga suspects ay namataan ng mga awtoridad si Baning sa harap bahay.

Nang papalapit na ang mga operatiba ay napansin nilang tila my ipinasok sa kanyang bulsa na baril at agad na tumakbo sa loob ng bahay.

Mabilis na sinundan ng mga operatiba si Baning at narekober sa kanyang posesyon ang isang Cal. 22 Magnum.

Hindi na nakapalag pa ang iba pang miyembro ng gang kung saan narekober naman sa posesyon ni Perez ang isang granada.

Sa patuloy na pag-iinspeksyon ng mga operatiba sa loob ng safehouse ng mga suspects ay nakumpiska rin ang mga ito ng 2.7 gramo ng hinihinalang shabi na nagkakahalaga ng P18,360 at iba pang paraphernalia.

Kasalukuyang nakapiit sa IDMS custodial facility ang mga suspek na nahaharap sa paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Law on FA and Ammo), RA 9165 ( Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 9516 (Illegal Possession of Explosives). James I. Catapusan