5 suspek sa ‘hazing death’ ng University of Cebu stude, natukoy

5 suspek sa ‘hazing death’ ng University of Cebu stude, natukoy

March 6, 2023 @ 7:56 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Natukoy ng Cebu City police ang limang fraternity officials na suspek sa umano’y hazing death ni University of Cebu student Ronnel Baguio noong Disyembre.

Idinagdag ng lokal na kapulisan na nakahanap sila ng dalawang saksi sa kasagsagan ng kanilang imbestigasyon, kabilang ang isang fraternity member na nag-recruit umano kay Baguio.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong murder at paglabag sa anti-hazing law.

Inihayag ng Public Attorney’s Office na sumailalim si Baguio sa hazing noong December 10, 2022, at isinugod sa ospital noong December 18, 2022.

Base sa kanyang death certificate, namatay si Baguio dahil sa Severe Acute Respiratory Distress Syndrome Secondary to Indirect Lung Injury, Acute Kidney Injury secondary to Rhabdmyolosis, at Acute Kidney Injury secondary to Rhabdomyolosis.

“‘Yung gumawa nito nag-eenjoy sila nung Pasko at New Year samantalang kami, magluluksa pa ako habang buhay,” pahayag ng ina ng biktima na si Leny Baguio nitong Linggo.

“Kaya po sana makonsensya po kayo at maawa po kayo sa akin, maawa kayo sa amin at lalong maawa po kayo sa anak ko,” dagdag niya. RNT/SA