5 TAONG TIGIL-BIYAHE NG PNR, PAGHANDAAN

5 TAONG TIGIL-BIYAHE NG PNR, PAGHANDAAN

February 18, 2023 @ 1:50 PM 1 month ago


NGAYON pa lang, maghanda-handa na ang mga suki ng Philippine National Railway sa limang taong paghinto ng operasyon nito.

Mismong si Transportation Undersecretary Cesar Chavez ang nagsabi nito sa isang pagdinig sa Kamara ukol sa mga proyektong isinasagawa at gagawin pang tren ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

May ilang dahilan dito gaya nang pagtama sa riles ng PNR ng ibang mga riles ng ibang ginagawang mga tren.

Kung hindi umano gagawin ito, maaaring padaluyin ang takbo ng tren sa ibang mga lugar na paggagastusan ng malaki para sa right of way at pagbili ng lupa at paggawa ng bagong tulay sa halagang P15 bilyon.

Matitipid umano ang gobyerno ‘yung P15B kung hihinto muna ang biyahe.
Isasaayos din ang pwesto ng malalaking poste at kawad ng kuryente ng National Grid Corporation of the Philippines na matatamaan ng mga biyaheng papuntang Malolos, Bulacan at ‘yung papunta sa Kabikulan.

Nakasakay na rin tayo sa PNR sa isang biyahe natin sa Kabikulan noon.

Napakaganda ang biyahe dahil dire-diretso ito at hihinto lang sa mga istasyon at hindi kailangang palipat-lipat ng sakay ang libo-libong pasahero na ang iba’y tiyak na mahihirapan dahil sa mga dalang bagahe, bata at iba pa.

Ang hindi lang maganda na karanasan ko rito, halos hindi ko maikilos ang aking mga paa dahil siksikan ang mga kargada at tao sa bagon na roon ako isinakay.

May maluwag namang ibinigay para sa isang babae, tatlong bakanteng upuan, at nalaman nating kamag-anak daw ng opisyal ng tren iyon.

Wala ring CR ang bagon kaya nang datnan ako ng tawag ng kalikasan, diretso ang dumi sa riles mula sa sahig ng tren na may butas.

Yaaaaaks! Mga taong grasa, huwag sisihin dito.

May tubig namang panlinis sa likuran natin mula sa isang dram na may tubig.