5 tiklo sa P5M overrun gaments na ninakaw sa RTW businessman

5 tiklo sa P5M overrun gaments na ninakaw sa RTW businessman

January 19, 2023 @ 4:15 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Arestado ang limang katao na sinasabing sangkot sa pagbebenta ng nakaw na “overrun” garments na nagkakahalaga ng P5 milyon mula sa warehouse ng isang RTW businessman sa Paco, Maynila.

Sa imbestigasyon ng pulisya, alas 9:30 ng umaga nang madiskubre ng saleslady na si Lanlyn Pino ang insidente nang magbukas ito ng bodega na nawawala na ang mga padlock habang ang isa pang padlock ay napalitan na.

Agad nitong ipinagbigay alam sa kanyang amo na si Kowsar MD Abul na isang negosyante ang insidente na siyang nagpasaklolo naman sa Ermita Police Station (PS-5).

Nalaman na ang naturang mga nawawalang damit na overruns at banglatops na nasa 500 box ay iniaalok for sale sa Facebook kaya agad na nagkasa ng entrapment operation ang mga operatiba.

Nagpanggap na poseur buyer ang isa pang salesday ni Abul na si Jennifer Blando na siyang nakipag-transaksyon naman sa isang Jemmilyn Ochoa na online seller.

Nagkasundo na magkita ang dalawa sa kahabaan ng Juan Luna St., sa Tondo kung saan dumating si Blando sakay ng silver gray van na may plakang NFL 2999 kasama ang isang Micaela Larioque at tatlong iba pa.

Dito na ibinigay ang hudyat para arestuhin ang mga suspek.

Narekober sa mga suspek ang 35 box na lamang ng overrun garments, banglatops na nagkakahalaga ng P630,000 habang dinala naman sa pulisya ang mga suspek.

Kusa namang sumama sa pulisya sina Micaela at Jemmilyn na magsisilbing testigo laban sa tatlong indibidwal na pinagkuhanan nila ng nakaw na garments na sina Ainah Sultan y Maomin, Jomal Azia y macarampat at driver na si Jomalodan y Mamaroba. Jocelyn Tabangcura-Domenden