5 timbog sa child exploitation

5 timbog sa child exploitation

October 14, 2022 @ 7:17 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinalakay ng National Bureau of Investigation o NBI ang isang bahay na sentro ng child exploitation sa lalawigan ng Pampanga.

Ang nasabing operasyon ay nagresulta ng pagkakaaresto ng limang indibidwal na sangkot sa “child sexual exploitation” at nailigtas ang pitong batang biktima.

Kinilala ang mga naaresto na sina Syrra Songco, Ma. Elaiza Songco, Haian Songco, Ailyn Flores y Songco at Albert Flores.

Sa ulat ng NBI – Anti Violence Against Women and Children Division (NBI-AVAWCD), nakatanggap sila ng impormasyon ukol sa isang “Syrra Songco” na nagbebenta ng mga “child sexual abuse or exploitation materials (CSAEM)” sa mga dayuhan.

Ito ay makaraang maaresto sa Amerika ang isang US citizen na si Charles Wheat dahil sa produksyon at pamamahagi ng CSAEM.

Inamin niya na natanggap niya ang mga materyales kapalit ng pera buhat kay “Syrrana” na umano’y nang-aabuso ng mga bata sa Pilipinas.

Nang matukoy ng NBI ang nasa likod ng naturang pangalan, agad na nagkasa ng entrapment operation at nakipag-transaksyon ang isang poseur-client sa pamamagitan ng messenger na ipinakita pa sa video call ang bata na iniaalok niya para sa ‘sexual exploitation’.

Nitong Oktubre 6, nang salakayin ng NBI na armado ng search warrant ang bahay ng suspek sa may Sadsad Street, San Roque, Dau Uno, Lubao, Pampanga.

Kasama ng NBI ang mga tauhan ng Inter-Agency Council Against Trafficking in Persons (IACAT), HSI Transnational Crime Investigative Unit (HSI-TCIU), at City Social Welfare and Development (CSWD) ng Pampanga.

Inabutan ang mga suspek at mga batang biktima na ang pinakabata ay nasa walong buwang gulang lamang.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa RA 11930 (Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act; RA 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003; at RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012. Jocelyn Tabangcura-Domenden