5 trak ng tubo sinunog ng NPA

5 trak ng tubo sinunog ng NPA

December 29, 2022 @ 10:50 AM 1 month ago


NEGROS OCCIDENTAL-MISTULANG babala sa isang negosyante ang ginawang pagsunog ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa kanyang 5 trak ng mga tubo, bilang parusa noong Lunes sa bayan ng Toboso.

Sa pag-amin ni CPP-NPA Roselyn Jean Pelle, ng Command – Northern Negros Guerilla Front, ginawa nila ang pagsunog ng mga truck ng tubo na pag-aari ni Teotimo Ballesteros, sa bayan ng Toboso, Negros Occidental, dahil sa pagiging ganid umano ng negosyante.

Ayon kay Pelle, 5 lahat ang sinunog nilang trak ng tubo, una ay ang dalawang trak noong Disyembre 14 at ang 3 ay nitong Disyembre 26, bandang 12:00 AM sa Sitio Carbon, Barangay San Isidro, Toboso, Negros Occidental kasabay ng ika-54 anyos anibersaryo ng CPP-NPA.

Sinabi naman ni Cecile Estrella, tagapagsalita ng nasabing grupo, na tila bingi si Ballesteros sa hinaing ng kanyang mga magsasaka na ibigay ang tamang pasahod at mga benepisyo.

Aniya ang mga lupain ng asukal ni Ballestero ay nasa loob ng sona ng mga gerilya.

Ang tanging usapang pangkapayapaan na isinusulong ng mga rebolusyonaryong pwersa sa hilagang Negros ay ang tumutugon sa mga isyu sa sahod at lupa.

“ang usapang pangkapayapaan ay dapat nasa pambansang saklaw na tumutugon sa ugat ng armadong tunggalian – tunay na reporma sa lupa upang matugunan ang kawalan ng lupa, pambansang industriyalisasyon upang matugunan ang mga hindi secure na trabaho, bukod sa iba pa,” sabi nito.

“The only peace talks the revolutionary forces in northern Negros promote is the one that addresses the wage and land issues…the peace talks should be at a national scale that tackles the root cause of armed conflict – genuine land reform to address landlessness, national industrialization to address unsecured jobs, among others,” ani pa ng grupo./Mary Anne Sapico