5 Vietnamese timbog sa Makati entrapment ops

5 Vietnamese timbog sa Makati entrapment ops

December 28, 2022 @ 11:36 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Arestado sa isang entrapment operation ng mga tauhan ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Makati City Police Station (CPS) ang limang Vietnamese nationals na nangikil sa kanilang kababayang biktima nitong Disyembre 27.

Base sa report ng Makati City police sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang mga naarestong suspek na sina Thai Huy Tuan, 28; Phan Huu Dat, 25; Nguyen Ly Huynh, 30; Phan Van Thanh, 28, kapwa mga empleyado ng Jinzhou Technologies; at Tran Trung Tuyen, 34, empleyado ng PBCOM Tower.

Ayon sa isinagawang imbesitgasyon ng Makati City police, inilatag ang entrapment operation dakong ala 1:30 ng madaling araw ng Disymebre 27 sa kahabaan ng Leviste Street, Salcedo Village, Barangay Bel-Air Makati City.

Napag-alaman na nagreklamo ang biktima na nakilalang si Do Mahn Tuan nitong Disyembre 26 sa opisina ng Makati police IDMS kung saan kanyang iniulat na siya ay binihag ng mga suspects nitong nakaraang Disyembre 22, sa loob ng VIP Room ng Yakale Restaurant na matatagpuan sa Yakal St., Brgy. San Antonio, Makati City at napakawalan lamang ng mga suspects matapos ang tatlong oras makaraang magbayad siya ng halagang ₱250,000.

Hindi pa natapos doon ang kuwento ng biktima dahil nito lamang Disyembre 26 ay nakatanggap na naman siya ng tawag at mensahe sa text galing sa mga suspects na nanghihingi na naman ang mga ito sa kanya ng halagang P100,000 kasabay ng pababanta na kapag hindi niya naibigay ang naturang halaga ay pati ang kanyang pamilya ay kikidnapin ng mga suspects.

Matapos maisalaysay ng biktima ang kanyang karanasan ay agad na naglatag ng entrapment operation ang mga tauhan ng SIDMS sa Island Plaza na matatapuan naman sa Leviste St., Brgy. Bel-Air, Makati.

Nagtungo ang biktima sa lugar lulan ng kanyang minamanehong pribadong sasakyan habang nakabuntot ang mga tauhan ng IDMS na nakasakay naman sa iang pribadong sasakyan habang nakaback-up ang mobile car K-02 sa di kalayuang distansya.

Makaraang tanggapin ng mga suspects ang pera ng entrapment ay agad nadinakma ng mga miyembro ng IDMS ang mga suspects kung saan narekober ang entrapment money at dalawang butchers knife sa posesyon ni Thai Huy Tuan. 

Nahaharap sa kasong robbery/extortion ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa Makati CPS detention facility. James I. Catapusan