5 wanted alien arestado sa Iloilo, Boracay

5 wanted alien arestado sa Iloilo, Boracay

March 19, 2023 @ 11:28 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) nitong Sabado, Marso 17, na naaresto nila ang limang dayuhang pugante sa Iloilo at Aklan na ipadedeport na sa kani-kanilang pinanggalingan dahil sa mga krimeng kinasangkutan.

Ayon kay Commissioner Norman Tansingco, ang mga dayuhan, apat na Indiano at isang Taiwanese, ay naaresto sa dalawang magkahiwalay na operasyon ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) sa Iloilo City at Boracay Island.

Tatlo sa mga Indiano ay naaresto sa Iloilo City noong Marso 7 na kinilalang sina
Manpreet Singh, 23; Amritpal Singh, 24; ant Arshdeep Singh, 26.

Kasabay ng operasyon, nasaktuhan din ng arresting team ang isang “Amrikh Singh”, 33, na inaresto rin matapos bigong makapagpakita ng travel document at hinihinalang pumasok sa bansa sa illegal na pamamaraan.

Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, ang tatlong pugante ay may warrants of arrest para sa murder, violation ng Explosive Substances Act of 2001, at Unlawful Activities Prevention Act of 1967 of India.

Aniya, iniimbestigahan din ng pamahalaan ng New Delhi ang mga ito dahil sa hinihinalang kaugnayan sa extremist group na kilala bilang Khalistan Tiger Force.

Samantala, naaresto naman sa Boracay, Aklan noong Marso 7 ang Taiwanese na kinilalang si Lee He Zhan, 26, na hinihinalang wanted sa pinagmulang bansa dahil sa kaugnayan sa illegal drug trading.

“These wanted foreigners will be expelled for being undesirable aliens and also for being undocumented as their passports were already canceled by their respective governments,” pahayag ni Tansingco.

“We will also place them on our blacklist to ban them from re-entering the country.”

Nailipat na ang limang naaresto sa BI facility sa Bicutan, Taguig at nahaharap sa deportation. RNT/JGC