50 bahay naabo sa sunog sa Pasay

50 bahay naabo sa sunog sa Pasay

August 25, 2022 @ 4:06 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nilamon ng nagngangalit na apoy ang kabahayan sa Rodriguez, Pasay City kagabi.

Sa paunang imbestigasyon, 50 bahay na gawa sa mga light materials ang tinupok ng sunog sa residential area sa Rodriguez St. Pasay City, Miyerkoles nang gabi.

Naapektuhan sa sunog na umabot sa ikatlong alarma ang nasa 90 pamilya na walang natira sa kanilang kagamitan o walang nailigtas sa kanilang mga gamit.

Nahirapan naman ang mga bumbero na pasukin ang residential area ng makitid na daanan ng Rodriguez compound kaya hindi gaanong nakalapit ang mga trak ng bumbero at tanging mga fire hose ang napagsikapan ng mga bumberong mailapit sa mga nasunog na bahay.

Naapula ang sunog makaraan ang mahigit isang oras dakong alas 9:16 ng gabi habang habang idineklara naman ang fire out bandang alas 11:00 ng gabi kung saan wala namang naiulat na nasaktan o namatay sa naturang sunog.

Agad namang namahagi ng tulong at pagkain sa mga nasunugang biktima si Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano at mga tauhan ng Social Welfare Development Office (SWDO) kung saan nagsilbing evacuation site ang Timoteo Paez Elementary School.

Sinabi ni Calixto-Rubiano na pansamantalang namahagi ang lokal na pamahalaan ng mga modular tents na matitirahan ng mga biktima gayundin ng mga magagamit na toiletries, hygiene kits, beddings pati na rin ng pagkain para sa mga susunod pang araw.

Kasabay nito ay personal na bumisita si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo na nagpaabot din ng kanyang tulong na nagmula sa nabanggit na ahensya ng gobyerno.

Nagpasalamat naman si Calixto-Rubiano kay Tulfo sa pagtugon sa ibang pangangailangan ng mga nabiktima ng sunog.

“Sa mga pagkakataon na ganito ay kailangan na mabigyan sila ng pagkain at matignan ang kanilang kalagayang pisikal,” ani Calixto-Rubiano. Dave Baluyot/James I. Catapusan