50 karagdagang ruta sa NCR bubuksan ng LTFRB – exec

50 karagdagang ruta sa NCR bubuksan ng LTFRB – exec

September 21, 2022 @ 5:12 PM 4 days ago


MANILA, Philippines- Bubuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang halos 50 pang ruta sa Metro Manila upang madagdagan ang bilang ng public utility vehicles sa mga kalsada, ayon sa opisyal nitong Miyerkules.

“Sa mga nakaraang meeting po namin, ang pagkakaalam ko po maglalabas po tayo ulit siguro mga around 50 additional routes po ang i-o-open natin. Kung kakayanin po itong linggong ito ilalabas po natin ‘yan,” sabi ni LTFRB board member Atty. Mercy Jane Paras-Leynes sa isang public briefing.

Bago ito, mahigit 100 bus, jeep, at UV Express routes ang binuksan bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng face-to-face classes noong Agosto.

Inaprubahan naman ng LTFRB nitong nakaraang linggo ang dagdag-pasahe sa traditional at modern jeepneys, buses, taxis, at transport network vehicle services (TNVS).

“Hindi ko masasabing band aid solution ‘yung inilabas nating fare increase approval dahil ito ay permanent. Ang masasabi natin, isa itong hakbang sa solusyon sa pangkalahatang problema sa transportasyon,” aniya.

Inihayag pa niya na tumatanggap na ang LTFRB ng aplikasyon para sa fare matrices ng public utility vehicles.

Hinikayat naman ni Paras-Leynes ang publiko na isumbong ang UV Express drivers wna naniningil ng karagdagang pamasahe, kahit na tinatalakay pa ng ahensya ang petisyon nila para sa fare increases.

Gayundin ang panawagan niya sa kaso ng PUV drivers na gumagawa nito.

Bukod dito, inilahad ng LTFRB official na tinatalakay ng ahensya ang panukala na palawigin ang valifity ng prangkisa ng PUV operators at drivers na apektado ng COVID-19 pandemic, at alisin ang kanilang penalties.

“Meron tayong mga pinag-aaralan na mungkahi tungkol doon sa pagdagdag ng taon doon sa kanilang mga prangkisa sa kadahilanang may pampublikong sasakyan tayong hindi pinayagang makalabas noong pandemya,” sabi ni Paras-Leynes.

“Pinag-aaralan natin kung maaaring i-waive natin ‘yung penalties para doon sa hindi nila pagkakapasada ng dalawang taon at mabawi ang mga panahon na iyon. Kino-consider ngayon na magdagdag tayo ng additional years sa kanilang franchise validity,” patuloy niya. RNT/SA