50% ng naospital sa Pinas, nakaranas ng ‘long COVID’ – NTF

50% ng naospital sa Pinas, nakaranas ng ‘long COVID’ – NTF

March 1, 2022 @ 11:07 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Umaabot sa 50% ng mga taong naospital dahil sa COVID-19 ang nakaranas ng tinatawag na ‘long COVID’, ayon sa National Task Force (NTF) adviser.

Sa isang panayam ng ANC, ipinaliwanag ng NTF medical adviser Dr. Ted Herbosa na ang mga taong nagkakaroon ng long COVID ay patuloy na nagkakaroon ng pamamaga sa utak, puso, o baga sa kabila ng paggaling mula sa virus.

“What we’ve discovered is that it’s actually very high among the hospitalized. If you are hospitalized for COVID, ICU, as high as 50% continue to experience what we now term as long haul COVID or long COVID,” paliwanag ni David.

Gayunpaman, binigyang-diin niya na ang isang gumaling mula sa viral disease ay hindi na nakakahawa kahit na siya ay nagpapakita pa rin ng mga sintomas.

Ang ilan sa long COVID symptoms ay kinabibilangan ng “brain fog” kung saan hindi na makapag-isip nang tama tulad ng dati, at pagkapagod, lalo na sa mga atleta, na hindi na maaaring maging kasing aktibo pagkatapos ng COVID.

Kung ang mga tao ay dumaranas ng mga sintomas na ito, sinabi ni Herbosa na dapat nilang ipagpatuloy ang kanilang konsultasyon sa kanilang mga manggagamot.

Dagdag pa, ngayong nasa ilalim na ng Alert Level 1 ang National Capital Region at ilang iba pang lugar, sinabi ni Herbosa na dapat magkaroon ng paradigm shift mula sa gobyerno na nagsasabi sa mga tao kung ano ang gagawin sa mga taong gumagawa ng self-regulation upang makatulong na limitahan ang pagkalat ng mga impeksyon sa COVID-19.

“Take that responsibility to inform them [that you tested positive], hindi na ‘yung national government, hindi na ‘yung local government. We’re shifting to this mode na naintindihan na natin ‘yung [we understand the] pathogenesis ng disease na ‘to, how it spreads, and we should be health literate,” dagdag pa ni Herbosa.

Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang paglalagay sa NCR at 38 pang lugar sa ilalim ng COVID-19 Alert Level 1 mula Marso 1, 2022 hanggang Marso 15, 2022. RNT