50 pamilya lumikas sa gitna ng bakbakan ng MILF, armadong grupo

50 pamilya lumikas sa gitna ng bakbakan ng MILF, armadong grupo

January 12, 2023 @ 4:36 PM 3 weeks ago


COTABATO CITY- Nagpasyang abandonahin ng mahigit 50 pamilya ang kanilang mga tahanan sa takot na madamay sila sa patuloy na sagupaan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at grupo ng gunmen, iniulat kaninang umaga sa bayan ng Sultan Kudarat.

Ayon kay Brig. Gen. John Guyguyon, Police Regional Office-12 director, nagpadala na ng mga pulis at sundalo bilang peacekeeper sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, para matiyak ang kaligtasan ng mga sibilyang lumikas sa kanilang mga tahanan at mga motorista dahil sa nagpapatuloy na bakbakan sa pagitan ng mga MILF at mga gunmen liblib na lugar sa Barangay Rebuken.

Sinabi ni Guyguyon, hinarass ng hindi pa nakikilalang armadong grupo noong Miyerkules ng gabi ang 104th base command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), na nauwi sa bakbakan.

“Kami ay nakipag-ugnayan sa MILF ceasefire panel, ang aming mga tropa ay naka-standby sa lugar para sa gagawin mapayapang pag-aayos ng sigalot,” pahayag ng opisyal.

Kwento ng isa sa mga residente na si Salman Bendong, malapit lamang sa kanilang bahay ang sagupaan ng dalawang grupo at halos hindi sila makatulog sa takot na pati sila ay madamay kaya mas minabuti na lamang nilang lisanin ang kanilang bahay.

Sinabi pa ni Guyguyon ang kahabaan na bahagi ng Cotabato City hanggang North Cotabato province via Sultan Kudarat ay nananatiling bukas at nadadaanan. Mary Anne Sapico