50 pang NPA, militia nagbalik-loob

50 pang NPA, militia nagbalik-loob

August 4, 2022 @ 10:15 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Malugod na ikinatuwa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagsuko ng 50 dating rebeldeng komunista sa Region 10.

Pinangunahan ni DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang panunumpa ng katapatan ng 50 dating mandirigma mula sa New People’s Army (NPA) at Militia ng Bayan (MB) habang nanumpa silang aalis sa armadong rebelyon ng komunista at magiging mapayapa, produktibong mamamayang Pilipino.

“Tandaan ninyo, sa mga sumuko sa gobyerno, we will make sure na hindi kayo magsisisi. Mahal na mahal namin kayo. Ngayong sumuko na kayo, ang pinaka-importante ay hindi ang pagsurrender ng baril. Ang pinaka-importante ay ito: sa mga susunod na araw ay maaalalayan sila [former rebels] ng gobyerno. Hindi ninyo kailangang ilagay ang batas sa inyong kamay,” ani Abalos.

Nakatanggap ang mga dating rebeldeng komunista ng kabuuang P13.8-milyong halaga ng tulong at bayad sa armas sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng gobyerno.

May kabuuang 183 mga isinukong baril ang na-demilitarize sa seremonya. Sa mga sumukong baril, 160 ay mula sa Bukidnon Province, lima (5) mula sa Lanao del Norte, anim (6) mula sa Misamis Oriental at 12 mula sa Cagayan de Oro City.

“Sa pamumuno ng ating Pangulong Bongbong Marcos, mayroon kayong gobyernong hindi lamang nakikinig sa inyong problema, kundi gumagawa din ng aksyon. At kung magkakasama tayo sa pag-papatupad ng mga programang ito, hindi tayo magkakamali,” ani Abalos.

Kaugnay nito inulit ni Abalos ang panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para sa pagkakaisa sa pormal na seremonya.

“Tandaan ninyo, a republic that is one is a nation that is one. Sama-sama tayong babangon muli,” ani Abalos

Ang mga kwalipikadong benepisyaryo ng E-CLIP ay may karapatang tumanggap ng tulong na pera tulad ng P50,000 na tulong pangkabuhayan; P15,000 para sa mga gastos sa mobilisasyon; at, kabayaran sa mga baril na katumbas ng halaga ng mga isinuko na baril.

Samantala ang E-CLIP ay naglalayon na magbigay ng insentibo sa komunistang pagsuko at tumulong sa muling pagsasama ng mga dating miyembro ng NPA at MB bilang bahagi ng anti-insurgency at terorismo na kampanya ng gobyerno.  Santi Celario