50 PH fencers sasabak sa Malaysia Minime

50 PH fencers sasabak sa Malaysia Minime

November 30, 2022 @ 2:07 PM 2 months ago


MANILA, Philippines β€” Mahigit 50 Filipino fencers mula sa nangungunang club na Canlas Fencing ang sasabak sa unang Malaysian Fencing Federation Minime International Tournament na itinakda sa Disyembre 1 hanggang 4 sa Arena Tan Sri Hamzah gymnasium sa loob ng Olympic Council Malaysia (OCM) sa Kuala Lumpur.

Lahat ng armas sa parehong kategorya ng mga lalaki at babae ay lalaruin sa mga kumpetisyon sa Under-8, Under-10, Under-12, Under-14 at Under-16 age groups sa event na inorganisa ng Malaysia Fencing Federation (MFF) sa pangunguna ni ang pangulo nitong si Rusni Abu Hassan.

Nangunguna para sa CF fencers sina Jodie Tan at Victoria Ebdane, kamakailang nagwagi sa Thailand Fencing Federation, at Antonio Manuel, gold medal winner sa TFF Minime.

Si Tan, na nanalo ng ginto sa Thailand at sa Singapore Minime, ay makakasama ni Ebdane – gold medal winner sa Southeast Asian Fencing Federation Minime sa Malaysia at silver medalist sa U12 at U14 TFF Minime – sa U14 women’s team foil competition na may Aubrey Fernandez at Opao Catantan – kapatid ng Southeast Asian Games gold medalist na si Samantha Catantan.

Lalaban din sa torneo sina Willa Liana Galvez, Yuna Canlas at Diaz sisters na sina Aliyah at Amber sa women’s U12 foil, gayundin sina Nicol Canlas at Shy Catantan – bunso sa Catantan sisters – sa women’s U12 sabre, Jose Faber Cabrera at Miguel Chavez sa U16 men’s epee, at Khiane Felipe sa U14 at U16 men’s sabre.JC