500 HCWs ipinadala ng DOH sa mga liblib na lugar sa Ilocos

500 HCWs ipinadala ng DOH sa mga liblib na lugar sa Ilocos

March 2, 2023 @ 10:54 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Mahigit 500 public health workers ang itinalaga ng Department of Health sa mga geographically-isolated at disadvantaged areas sa Ilocos Region upang masiguro na ang mga residente ay makakuha ng mga dekalidad na serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad.

Sa pahayag, sinabi ni DOH regional director Paula Paz Sydiongco na ang mga health workers ay nakuha bilang human resources for health (HRH) nitong 2023 sa ilalim ng National Health Workforce Support System.

Dagdag pa ni Sydiongco, ang deployment ng health workers ay bahagi ng Devolution Transition Plan ng health department upang masiguro ang pagpapabuti ng health systems sa pamahalaang lokal.

Kabilang sa mga health workers na ipinadala sa rehiyon ay mga nurse, midwives, medical doctors, medical technologists, dentists, pharmacists, nutritionists, at physical therapists, ayon sa DOH.

Ayon pa sa ahensya, hindi bababa sa 93 health workers ang nakatalaga sa mga lugar sa Pangasinan, 133 sa La Union, 180 sa Ilocos Sur, at 94 sa Ilocos Norte.

Sinabi naman ni DOH Undersecretary for Field Implementation and Coordination Team-North Luzon Eric Tayag na may mahalagang papel ang bagong batch ng HRH sa pagkamit ng kalusugan at pagbuo ng katatagan ng mga komunidad at malusog na sistema para sa mas pinabuting pagtugon sa hamon sa kalusugan. Jocelyn Tabangcura-Domenden