500 indibidwal, benepisyaryo ng TUPAD program sa Pasay

500 indibidwal, benepisyaryo ng TUPAD program sa Pasay

September 19, 2022 @ 12:30 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- Nasa 500 benepisyaryo ng ‘Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantage Workers’ (TUPAD) program sa Pasay ang sumailalim sa orientation para sa pagtatalaga sa kanilang nakaabang na trabaho sa iba’t-ibang komunidad sa lungsod.

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang mga benepisyaryo ng programang TUPAD ng lokal na pamahalaan ay itatalaga sa iba’t ibang barangay sa lungsod upang magabigay serbisyo sa komunidad.

Ayon kay Calixto-Rubiano, ang bawat benepisyaryo ng TUPAD ay makatatanggap ng halagang P5,700 matapos ang kanilang 10-araw na pagtatrabaho sa komunidad na kanilang pinagsilbihan.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na inialok ng lokal na pamahalaan ang TUPAD program sa mga residente na lubos na naapektuhan ng mahigit dalawang taon na pandemya na dulot ng COVID-19.

Kabilang sa mga dumalo na nakasama ni Calixto-Rubiano sa isinagawang orientation sa Cuneta Astrodome nitong Setyembre 16 sina Vice Mayor Ding del Rosario, Department of Employment and Labor (DOLE-NCR) field officer Atty. Olive Obrero Samson, TUPAD-NCR focal officer Chloe de Guzman, Pasay Employment and Services Office (PESO) officer-in-charge Filipinas Rosario Sampang, at PESO focal officer Edith Felipe. James I. Catapusan