500 OFWs sa Saudi shelters pauuwiin ng DMW

500 OFWs sa Saudi shelters pauuwiin ng DMW

September 16, 2022 @ 1:28 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang i-repatriate ng Department of Migrant Workers (DMW) ang humigit-kumulang 500 overseas Filipino workers (OFWs) na nananatili sa iba’t ibang shelter na pinamamahalaan ng gobyerno ng Pilipinas sa Kingdom of Saudi Arabia (KSA).

Sa Laging Handa public briefing noong Huwebes, sinabi ni DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac na nangangailangan ng tulong ang mga OFW na ito, karamihan ay mga domestic worker.

Matatandaang binisita ni DMW Secretary Susan “Toots” Ople ang mga shelter na ito sa kanyang pananatili sa KSA at nakipag-usap sa mga OFW.

“At any given time, sa shelters natin may mga 500 OFWs — Kingdom-wide, ang tatlong lugar kung nasaan tayo sa kasalukuyan. So, at least 500 in the shelters na kailangang tulungan, karamihan mga OFW kasambahay. At ito ang nakikitang source of worry ni Secretary Toots. Dinalaw niya lahat ng shelters at kinausap niya iyong mga OFWs doon,” ani Cacdac.

Kaagad din  iniutos ni Ople na pagbutihin ang mga pasilidad sa mga silungan tulad ng bentilasyon at pagkain, bukod sa iba pa.

Sinabi ni Cacdac na ginagawa na ngayon ng DMW chief ang pagpapauwi sa mga distressed OFW na ito.

“Kaya isa sa mga tinake-up ni Secretary Toots and Minister Al Rajhi is, dapat bigyang-daan ang pagpapauwi ng isang OFW na may reklamo sa kanyang kontrata at may reklamo ng pang-aabuso para siya ay makauwi. Dahil walang sinuman ang makakapilit sa isang tao na magtrabaho lalo na sa isang bansa dahil slavery na iyon. Slavery na iyon kung hindi pa siya pinauuwi at gusto niyang umuwi at ayaw na niyang magtrabaho doon,” aniya pa.

Samantala, pinaalalahanan ni Cacdac ang mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa na mag-ingat sa mga pekeng recruitment agencies upang hindi mabiktima ng human traffickers. RNT