500 Pinoy health workers paaalisin ng bansa

500 Pinoy health workers paaalisin ng bansa

December 7, 2021 @ 12:48 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III nitong Martes na mayroong panukala na pumapayag sa overseas deployment ng 500 pang Pilipinong health workers bago matapos ang taon, kahit pa naabot na ang maximum capacity.

“Kahapon, kausap ko ang Technical Working Group. Sabi nila, bagama’t naabot na namin yung limitasyon, baka dadagdag sila kahit 500 na palabasin nating nurses hanggang katapusan,” ani Bello.

Itinaas ng pamahalaan ng Pilipinas ang annual cap ng nurses at iba pang healthcare workers na ipinadadala sa ibang bansa mula sa 5,000 na ginawang 6,500. Itinakda ang limit na ito upang masiguro na mayroong sapat na manggagawa ang bansa gitna ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.

“Sa mga nurses at healthcare workers, ubos na. Pero sa dami ng humihingi, yung technical working group nila proposed na for the last portion of this year ay pwede tayong magbigay ng 500,” pahayag ni Bello.

Maaari rin umanong isama ang espesyal na hiling ng Brunei na magpadala sa kanila ng 200 health workers.

“Maganda trato nila sa OFW, kaya kumpiyansa kaming pagbigyan yung bansang Brunei,” patuloy pa ni Bello. RNT/SA