500 Valenzuelanos tumanggap ng tulong-medikal mula sa DSWD

500 Valenzuelanos tumanggap ng tulong-medikal mula sa DSWD

August 26, 2022 @ 3:40 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Umabot sa 500 kwalipikadong Valenzuelano ang nakatanggap ng kanilang pinakahihintay na tulong medikal mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at REX Serbisyo Center sa Valenzuela City Amphitheater.

Ang tulong medikal ay naging posible sa pamamagitan ng DSWD program Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) isang tulong para sa mga indibidwal o pamilya na nakakaranas ng matinding dagok sa buhay o krisis na pinalala ng pandemya ng COVID-19.

Ang suportang ibinibigay ng AICS ay isang tugon sa kanilang mga pangangailangan tulad ng medikal, libing, transportasyon, edukasyon, pagkain, o cash assistance para sa iba pang support services.

Ang 500 Valenzuelano na ito ay may nakabinbin at naghihintay na mga kahilingan upang matulungan sa kanilang mga gastusin sa pribadong ospital, maintenance medicines, at mga pamamaraang medikal tulad ng dialysis at laboratoryo. Gayunpaman, tinatasa ng mga manggagawa ng DSWD ang mga benepisyaryo batay sa pamantayan kung magkano ang tulong na kanilang ibibigay.

β€œAng request ko sa mga nakatanggap ng medical assistance ngayon ay ipamalita ninyo sa mga kakilala ninyo, dahil marami pa ang hindi nakakaalam, na kahit private yung hospitals, basta kumpleto naman ang papeles o requirements ay pwede naman pumunta sa REX Serbisyo Center. Hindi man ito ora mismo dahil inaayos pa ng DSWD ang pondo, pero nakakarating at nakakarating naman.” Pahayag ni Cong. REX Gatchalian.

Ang REX Serbisyo Center at DSWD ay magtatakda ng isa pang batch ng mga benepisyaryo ng Valenzuelano na tatanggap ng tulong medikal sa ilalim ng programang AICS sa mga susunod na araw. R.A Marquez