5,000% pagtaas sa mass gathering violations naitala; Paghihigpit sa COVID protocols target ni Año

5,000% pagtaas sa mass gathering violations naitala; Paghihigpit sa COVID protocols target ni Año

April 27, 2022 @ 2:48 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nanawagan si Interior Secretary Eduardo Año ng mas mahigpit na implementasyon ng COVID-19 protocols bunsod ng mabilis na pagsirit ng mga paglabag sa iba’t ibang bahagi ng bansa kabilang na ang mass gathering offenses na umakyat na sa 5,469%.

Nagbigay ng direktiba si Año sa Philippine National Police (PNP) at local government units (LGUs) sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, araw ng Miyerkules, sabay sabing mas pinili niyang iwasan ang COVID-19 surge kahit pa inaasahan na ng mga health authorities na posibleng mangyari ito.

“So muli po tayong mag-iistrikto, ang ating kapulisan sa pagpapatupad ng minimum public health standards.  At tinatawagan din natin ang mga LGUs lalo na ang mga barangay officials at barangay tanod, ang mga management ng commercial establishments, ang mga community leaders, ang mga campaign organizers na tumulong mapatupad ang mga minimum public health standards,” ayon sa Kalihim.

“Hindi natin papayagan na magkakaroon muli ng COVID surges or spikes dito sa ating bansa kahit na meron pong projection or prediction na maaari pong sumipa ang COVID sa susunod na mga buwan or linggo,” dagdag na pahayag ni Año.

Ibinahagi rin ni Año ang mga sumusunod na statistics tungkol sa protocol violations mula Abril 15 hanggang 24 gaya ng:

  • mass gathering violations na 724, o 5,469% ang itinaas mula sa nagdaang linggo na mga may 13 incidents;

  • no physical distancing violations na 9,057 o 201% ang itinaas mula sa nakalipas na mga linggo na 3,002; at

  • non-wearing of face masks na pumalo sa 84,969, o 196% ang itinaas mula sa nakalipas na mga linggo na 28,622.

Ayon kay Año, walang lugar sa bansa ang nasa ilalim ng granular lockdown subalit maingat ito sa posibleng pagtaas ng kaso dahil na rin sa mataas na bilang na naitalang paglabag.

“Ngayon po, Mr. President, sa buong Pilipinas ay zero pa rin ang mga areas under granular lockdown, so ibig sabihin po maganda ang numero natin at mababa ang COVID-19 cases natin.  At dalawa po ang ating pinaka-importanteng depensa o sandata natin dito — ang ating mataas na vaccination rates at pagsunod sa ating minimum public health standards protocols,” ayon kay Año.

“Kaya lang po itong nakaraang panahon mula April 15 to 24, nakakabahala ang ating naitalang community health protocol violations dahil malaki ang tinaas ng nai-report na violations sa maikling panahong ito,” dagdag na pahayag nito.

Nauna rito, sinabi naman ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez kay Pangulong Duterte na inaasahan nila ang surge sa infections sa loob ng dalawang linggo hanggang isang buwan dahil nakita ang pagsirit ng COVID- 19 cases sanhi ng Omicron variant sa South Africa. Kris Jose