$500M loan suporta sa PH agri sector aprubado na ng ADB

$500M loan suporta sa PH agri sector aprubado na ng ADB

January 27, 2023 @ 12:12 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan na ng Asian Development Bank ang $500 milyon o P27.2 bilyon policy-based loan na layong suportahan ang agrikultura ng bansa para masiguro ang long-term food security.

Sa pahayag nitong Biyernes, Enero 27, sinabi ng ADB na ang utang na ito ay susuporta sa Subprogram 2 ng Competitive and Inclusive Agriculture Development Program, na magpapaunlad sa agriculture sector sa pamamagitan ng trade policy at
regulatory framework reforms.

Layon din nito na palakasin ang public services at finance sector kabilang na ang proteksyon sa mga rural family.

“Extreme climate events and economic shocks are exacerbating the struggles of the agriculture sector to raise their productivity,” ani ADB Principal Natural Resources and Agriculture Economist for Southeast Asia Takeshi Ueda.

“This new loan aims to support the Philippines’ efforts to attain food security by building a competitive and inclusive agriculture sector that is characterized by improved efficiency, enhanced diversity, strengthened climate resilience, and higher farm incomes.”

Ayon pa sa ADB, ang bagong loan na ito ay susuporta sa inisyatibo ng pamahalaan kabilang na ang probisyon para sa unconditional cash transfers sa mga magsasaka, pautang sa maliliit na agriculture at fishery-based firms, mga magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng pandemya.

Layon din na suportahan ng subprogram ang pamahalaan sa pagpapaigting ng planning at management ng land use at water resources.

Anang ADB, ang policy-based loans ay ibinibigay bilang suporta sa policy reform agenda ng pamahalaan.

Sinabi naman ni National Economic and Development Secretary Arsenio Balisacan na marami pang oportunidad ang nakikita ng pamahalaan para mapalakas ang agriculture sector ng bansa. RNT/JGC