50K marinong Pinoy nanganganib mawalan ng trabaho sa EU vessels

50K marinong Pinoy nanganganib mawalan ng trabaho sa EU vessels

October 29, 2022 @ 9:44 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nanganganib na mawalan ng trabaho ang nasa 50,000 Filipino seafarers sa mga barko ng European Union dahil sa pagpalya ng bansa na tumugon sa International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers o STCW Convention.

Ito ang inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) kung saan maliban dito ay maaari ring mahinto ang deployment ng mga bagong marinong Pinoy sa mga EU-flagged vessels.

Ayon pa sa House committee on overseas workers affairs, nalaman nilang na sa final evaluation ng European Maritime Safety Agency (Emsa) ng SCTW compliance ng bansa ay lumalabas na hindi pa rin nareresolba ang mga isyu, at maaapektuhan ang kwalipikasyon ng mga Filipino seafarers.

Dahil dito ay awtomatikong mahihinto ang deployment sa mga Pinoy seafarers sa Europa at agarang mawawalan ng trabaho ang mga kasalukuyan ay nakadestino sa mga EU-flag ships, o kaya naman ay papayagan lamang magtrabaho bilang kapitan, first mates at second mates hanggang sa ma-expire ang STCW certificates.

“The country has not been able to pass the Emsa audit since 2006, or for more than a decade,” ayon kay Jerome Pampolina, assistant secretary for sea-based services ng Department of Migrant Workers (DMW).

“If the recognition is withdrawn, the Philippines will undergo a new round of evaluation and must satisfactorily comply with the findings before the recognition is restored. Meantime, Filipino officers and ratings will no longer be qualified to be deployed in (EU-flagged) vessels that require such certifications (and) existing certifications will be honored until their expiration,” pagdidiin niya.

Sa datos, isa sa bawat limang dayuhang seafarers sa mga EU-flagged ships sa Norway, Greece, Malta at Germany ay Pinoy.

Nagpahayag naman ng sama ng loob si Foreign Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Eduardo Jose de Vega na matagal nang nakabinbin ang isyu ng pagtugon ng bansa sa usapin ng STCW at tila ba nagpaka-kampante na lamang sa mga nagdaang taon.

Dahil dito ay plano umano ng Department of Foreign Affairs na isama ang isyung ito sa pag-uusapan kapag lumipad na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Brussels, Belgium sa Disyembre. RNT/JGC