50M COVID vax wastage, kinumpirma ng DOH

50M COVID vax wastage, kinumpirma ng DOH

March 9, 2023 @ 1:39 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Kinumpirma ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na aabot sa 50 milyon ang bilang ng COVID-19 vaccine wastage sa bansa sa pagtatapos ng buwan ng Marso.

Ang kumpirmasyon ni Vergeire at matapos tanungin sa Senate blue ribbon hearing ni Senator Francis Tolentino, na humigit-kumulang 6.74 milyong dosis ang malapit nang mag-expire kabilang ang mga sumusunod:

  • 4.36 milyong dosis ng Pfizer para sa mga nasa hustong gulang sa pagtatapos ng Pebrero kasama ang 3 milyong dosis ng Pfizer pedia bago ang Marso at Abril 2023; at

  • 2.16 milyong Sinovac dosis sa Setyembre at Oktubre at humigit-kumulang 13,040 na dosis na mag-e-expire sa katapusan ng Mayo

“I confirm that this would be the amount if we already include those to expire until the end of March this year,” pahayag ni Vergeire .

Kinumpirma din ng DOH na ang bilang ng masisirang bakuna ay maaring madagdagan sa mga susunod pang mga buwan.

“That might happen but for now, based on the inventories, the succeeding expiry dates of the vaccines would already be in September 2023,” sabi ni Vergeire.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Vergeire na mayroong humigit-kumulang 6.9 milyong mga bakuna na kasalukuyang “naka-quarantine” habang hinihintay nila ang mga vaccine manufacturer at ang Food and Drug Administration (FDA) na payagan ang pagpapalawig ng mga shelf lives ng mga bakuna.

Sinabi rin ng health official na ang bilang ng wastage ay maaring lumampas sa 60 milyon dahil sa vaccine hesitancy pero aniya, ang DOH ay gumagawa ng mga paraan para palakasin ang vaccination program ng gobyerno.

Noong December 2022, una nang inihayag ni Vergeire na 44 milyon ang nasirang bakuna dahil sa expiration at operational wastage.

Hiniling din ni Tolentino sa Senate blue ribbon committee na kalkulahin ang halaga ng vaccine wastage bawat vaccine brand dahil ibinunyag niya na ang presyo ng bawat dosis ng Pfizer vaccine ay nasa $6.75, Sinovac sa $14 at Moderna sa $43. Ang nasabing halaga ay mula sa rekord ng Commission on Audit at ang vaccine manufacturers na nagbunyag sa numero sa kabila ng non-disclosure agreements.

Sinabi naman ni dating COVID-19 vaccination czar Carlito Galvez Jr. na ang $43 per dose price ng Moderna ay hindi tama, ngunit hindi niya ibinunyag ang tunay na presyo ng bakuna.

Sinabi ni Tolentino na ang kanilang mga tala ay nagpakita na ang presyo ng mga bakuna sa Moderna ay iba-iba:

  • Unang quarter ng 2021: $43

  • Ikalawang quarter ng 2021: $43

  • Ikatlong quarter ng 2021: $29.50

  • Ika-apat na quarter at pagkatapos nito: $25.70

Ipinaliwanag naman ni Ryan Omar Ching ng Department of Finance International Finance Group na iba-iba ang mga presyo dahil humingi ang mga manufacturer ng bakuna ng mas mataas na presyo para sa mga dosis na kailangang maihatid kaagad.

Sa huling datos ng DOH, mayroong 166,549,824 na dosis ng bakuna sa COVID-19 ang naibigay na noong Marso 5, 2023: 71.072 milyong unang dosis; 73.899 milyong kumpletong dosis; at 21.577 milyong booster doses. Jocelyn Tabangcura-Domenden