50M Pinoy wala pang COVID booster shot

50M Pinoy wala pang COVID booster shot

December 8, 2022 @ 7:33 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Hindi pa nakakatanggap ng unang booster shot ng bakuna laban sa Covid-19 ang nasa 50 milyong Pilipino, ayon sa Department of Health (DOH).

Dahil dito muling hinimok ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire ang mga kwalipikadong indibidwal na kumuha ng kanilang mga booster shot para mas maprotektahan ang kanilang sarili laban sa viral disease.

“Sa buong bansa, mayroon lamang tayong 26 porsiyento sa lahat ng kwalipikadong populasyon na bakunado ng unang booster shot,” ani Vergeire.

“So imagine these 50 million na mga Filipino na wala pang first booster shot can very well have their critical illnesses because of Covid-19. At iyon ang ayaw nating mangyari,” dagdag pa niya.

Batay sa vaccine dashboard ng DOH, may kabuuang 73,821,941 katao ang ganap na nabakunahan laban sa Covid-19. Gayunpaman, 21,102,493 na indibidwal lamang ang nabigyan ng booster shot hanggang noong Disyembre 6.

“Isa sa mga layunin kung bakit tayo nagbabakuna lalo na ang ating booster shots ay dahil nasabi na ng ebidensya na bumababa ang immunity ng una at pangalawang doses natin,” aniya pa. “So, kailangan i-boost uli yung ating sistema para tumaas uli ang proteksyon,” giit pa ng opisyal. RNT