51 estudyante, 3 iba pa, ligtas sa nasusunog na school bus

51 estudyante, 3 iba pa, ligtas sa nasusunog na school bus

March 21, 2019 @ 10:25 AM 3 years ago


Italy – Ligtas na nailabas ng mga awtoridad ng Italy nitong Miyerkules ang 51 estudyante at 3 iba pa na hinostage sa sinasakyang nilang school bus at kalauna’y sinunog pa ng drayber nito.

“It is a miracle, it could have been carnage. The police were outstanding, blocking the bus and getting the children off,” sabi ni Milan prosecutor Francesco Greco.

Hindi pa masabi ni Greco kung may koneksyon sa terorisa ang naganap na insidente.

Batay sa ulat, ang 51 estudyanteng nasa ikalawang taon na sa sekondarya ang pabalik na mula sa sports outing kasama ang tatlong matatanda nang sila ay hostagin ng drayber.

Pinagbantaan ng drayber ang lahat ng nasa loob ng school bus na kaniyang papatayin at walang palalabasing buhay.

Ang drayber ay armado ng dalawang canister ng gas at lighter. Kinuha niya ang mga cellphone ng mga estudyante at itinali rin sila gamit ang electric cable.

Gayunpaman, isa sa mga bata ang nakakontak sa kaniyang mga magulang na agad ding tumawag sa pulisya.

Hinarang ng mga pulis ang school bus sa kalsada at binuksan ang likutang bintana upang mailigtas ang lahat ng mga biktima bago pa man lamunin ng apoy ang sasakyan.

“I want to put an end to it. I want to stop the deaths in the Mediterranean,” sabi umano ng drayber batay sa mga ulat ng ilang media outlet.

Hindi pa batid kung anong motibo ng drayber, nagtamo ng sunog sa katawan. Inilarawan siya ng mga awtoridad bilang 47-anyos na Italian citizen na mula sa Senehgalese.

Sinabi umano ng suspek na gusto niyang ipaghigati ang mga Europe-bound migrants na namatay sa Mediterranean Sea at hindi niya planong makapanakit ng sinuman.

Ang suspek ay nagtatrabaho bilang bus driver ng school simula noong 2002.

Ayon sa interior ministry sa isang statement, ang drayber ay una nang nahuli na nagmamaneho ng nakainom at nangmolestiya na rin ng menor./Remate News Team