51% ng Pinoy positibong babangon ang ekonomiya ng Pinas ngayong 2022

51% ng Pinoy positibong babangon ang ekonomiya ng Pinas ngayong 2022

April 7, 2022 @ 8:06 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Higit kalahati ng mga Pilipino ang umaasa na bubuti ang ekonomiya ng bansa sa 2022, ayon sa isang independent pollster.

Base sa resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Disyembre 12 hanggang 16 ngunit inilabas lamang nitong Miyerkules, Abril 6, ay nagpakita na 51% ng mga nasa hustong gulang na Pilipino ay nananatiling positibo tungkol sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa sa 2022.

Tatlumpung porsyento naman ang naniniwala na ang ekonomiya ay magiging pareho lang, habang 7% ang nagsabing lalala ito sa loob ng taon.

Ang nasabing resulta ay nagpapakita ng net optimism score na “execellent” na +44 — ang pinakamataas na naitala mula noong Setyembre 2016.

“The December 2021 net economic optimism was a continuing recovery from the mediocre -9 in July 2020, mediocre -5 in September 2020, and high +24 in November 2020,” ayon pa sa SWS.

Ang nationwide survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews at may kasamang respondents na 1,440 adults.

Mayroon itong ±2.6% error margin, at ± 5.2% para sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas, at Mindanao. RNT