51 pang kaso ng fireworks-related injuries, naitala ng DOH

51 pang kaso ng fireworks-related injuries, naitala ng DOH

January 3, 2023 @ 1:42 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nasa 51 pang bagong kaso ng fireworks related injuries at isang kaso ng stray bullet ang naitala sa bansa, batay sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH).

Ayon pa sa DOH, umabot na sa 262 ang kabuang kaso ng fireworks-related injuries mula December 21, 2022 hanggang January 2, 2023.

Mas mataas ito ng 42% sa naitalang 185 na kaso noong 2021.

Sa mga rehiyon na may pinakamaraming naitalang tinamaan ng paputok ay nangunguna ang National Capital Region (NCR) na may 125 kaso.

Sinundan naman ito ng Western Visayas, na may 31, Ilocos Region na may 23, Central Luzon na may 22, Calabarzon na may 13, at Bicol Region na may 12 cases.

Walo namang kaso ang naitala sa Cagayan Valley, pito sa Central Visayas, anim sa Soccsksargen, apat sa Cordillera Administrative Region (CAR), tatlo sa Mimaropa, tig-dalawa sa Davao Region at Northern Mindanao at tig-isa sa Eastern Visayas at Zamboanga Peninsula.

Karamihan sa mga biktima ng fireworks-related injuries ay mga lalaki na edad 1 hanggang 80.

Ang isang kaso naman ng stray bullet ay nangyari sa Manila kung saan isang 64-anyos na ginang ang tinamaan habang naglalakad patungo sa bahay ng kanyang kamag-anak.

Nauna na ring sinabi ng PRO Cordillera na dalawang indibidwal din ang tinaman ng ligaw na bala noong New Year’s Eve. Jocelyn Tabangcura-Domenden