51K pamilya apektado sa hagupit ni ‘Neneng – NDRRMC

51K pamilya apektado sa hagupit ni ‘Neneng – NDRRMC

October 20, 2022 @ 2:35 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Umabot na sa 51,870 pamilya o 181,185 indibidwal ang apektado ni bagyong Neneng, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Huwebes.

Ang mga apektadong pamilya ay mula sa 488 barangay sa Regions 1, 2, at sa Cordillera Administrative Region (CAR).

Naiulat naman ang 279 tahanan na napinsala sa tatlong rehiyon, kung saan 220 ang  “partially damaged,” at 59 naman ang “totally damaged.”

Sa kasalukuyan, 163 pamilya o 578 indibidwal ang nananatili sa 12 evacuation centers.

Samantala, sinabi ng NDRRMC na ang naiulat ang dalawang sugatan sa Region 1 ay bineberipika pa.

Tinatayang aabot sa P366.06 milyon ang pinsala sa agrikultura sa tatlong apektadong rehiyon, habang ang infrastructure damage ay tinatayang aabot sa P81.56 milyon. RNT/SA