52-anyos na estudyante na TNVS driver pa, kinabiliban

52-anyos na estudyante na TNVS driver pa, kinabiliban

September 1, 2022 @ 12:13 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sa kabila ng kanyang edad na 52-taong-gulang at kasalukuyang Grade 12 student sa Benigno Ninoy Aquino High School (BNAHS) ay tumanggap ito ng papuri mismo kay Makati City Mayor Abby Binay dahil sa kanyang ipinakitang tibay na determinasyon para makapagtapos ng pag-aaral.

Pinahanga ni Benjie Estillore si Binay dahil sa kanyang pagsusumikap kung saan isa siyang estudyante sa umaga at Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver naman pagsapit ng gabi.

Ayon kay Binay, si Estillore ay magsisilbing inspirasyon para sa Proud Makatizens na nagsusumikap pag-aaral para maabot ang kanyang mga pangarap sa buhay.

Sinabi ni Binay na nag-umpisang mag-enrol si Estillore sa Alternative Learning System (ALS) na karaniwang iniaalok ng lungsod sa mga working student na kinalaunan ay nag-enrol na siya bilang regular senior high school student sa BNAHS.

Dagdag pa ni Binay na makaraang makapagtapos si Estillore ng Grade 11 na may mataas na antas ay nagging inspirasyon din siya ng kanyang asawa na dating guro sa Rizal Elementary School sa Makati upang bumalik sa pag-aaral.

Nagpasalamat naman si Estillore sa mga benepisyong kanyang natatanggap bilang isang mag-aaral ng lungsod kasabay ng kanyang panawagan sa iba pang mga lokal na namumuno na tularan ang pamamahala ni Binay bilang alkalde na namahagi ng libreng kagamitan tulad ng libreng uniform, sapatos, medyas, at school supplies pati na rin sa pamimigay ng food pack, jacket, at tumbler na malaking tulong para sa isang tulad niyang mag-aaral.

Naniniwala din si Estillore na bagama’t malaki ang nawawala sa kanyang kinikita sa araw-araw bilang TNVS driver ay ang pamumuhunan ng edukasyon sa sarili ang kanyang binigyan ng prayoridad na magkakaloob ng kanyang inaasam-asam na tagumpay.

Sinabi ni Estillore na sa kanyang pagtatapos ng Grade 12 ay plano niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo at kumuha ng kursong Political Science sa University of Makati.

Tiniyak naman din ni Binay ang patuloy na pagbibigay ng suporta ng lokal na pamahalaan hindi lamang kay Estillore kundi pati na rin sa iba pang Makatizens na nagpupursiging makapagtapos ng pag-aaral at matupad ang kanilang mga pangarap sa buhay. (James I. Catapusan)