5,239 pamilyang apektado ng Super Typhoon Karding kinupkop sa Bulacan

5,239 pamilyang apektado ng Super Typhoon Karding kinupkop sa Bulacan

September 27, 2022 @ 6:30 PM 2 months ago


Bulacan- Nasa 5,239 apektadong Bulakenyo ang naitalang sumilong sa iba’t ibang evacuation center sa lalawigan upang makaiwas sa hagupit ng Super Typhoon Karding.

Sa tala ni Provincial Social Welfare and Development Office Head Rowena J. Tiongson, umabot sa 117 evacuation center ang kumupkop sa 1,571 pamilya kabilang ang 1,447 bata at 231 matatanda sa buong lalawigan.

Dahil dito, agarang namahagi ng family food packs (FFP) at non-food items(NFI) si Gobernador Daniel R. Fernando sa 176 pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa Obando Municipal Hall, kasama sina Bise Gobernador Alexis C. Castro at Alkalde ng Obando na si Leonardo D. Valeda nitong Lunes ng umaga.

Sa isang panayam, sinabi ni Fernando na bibisitahin at magdadala rin siya ng tulong sa mga apektadong Bulakenyo sa mga bayan ng San Miguel, Dona Remedios Trinidad, Angat, San Ildefonso, at San Rafael na matinding tinamaan ni Karding.

“Hangga’t hindi humuhupa ang tubig sa kanilang mga lugar ay hindi muna po natin pababalikin ang mga evacuees sa kanilang mga tahanan dahil delikado pa. Pupuntahan po natin sila. Uunahin lamang po natin ang mga lubhang naapektuhan ng pagbaha at sisikapin po natin tulungan ang lahat ng nasalanta,” anang gobernador.

Kaugnay nito, bandang alas 7:00 ng umaga, nasa 184.07 mts. ang elebasyon ng Angat Dam na mababa sa flood season high water level na 210 mts., habang nasa 101.07 mts. ang Ipo Dam at 16.22 mts. naman ang Bustos Dam. Dick Mirasol