533 ektarya ng bakawan, binalot ng oil spill

533 ektarya ng bakawan, binalot ng oil spill

March 15, 2023 @ 2:05 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nakapinsala na ng nasa 47 kilometro ng mga coastal barangays ng Pola, Oriental Mindoro ang oil spill mula sa lumubog na motor tanker Princess Empress.

“’Yung water area natin hindi ko alam kung gaano kalaki. Pero sobrang laki na ang damage dahil hindi makapangisda ang mangingisda. Hindi rin makasisid dahil namamatay na ang mga pusit. Ang mga turtles umaalis na rin,” pagbabahagi ni Mayor Jennifer Cruz nitong Miyerkules, Marso 15 sa panayam sa radyo.

“’Yung 11 barangays natin na coastal area, ‘yun ay 47 kilometers,” dagdag pa niya.

Maliban dito, sinabi ni Cruz na nasa 533 ektarya na ng bakawan ang naapektuhan ng oil spill maliban pa sa 4,800 pamilyang apektado.

Dagdag pa niya, kanselado na rin ang lahat ng reservations sa mga resort na naapektuhan ng oil spill.

Dahil dito ay nagpaplano ang local government unit (LGU) na magkaroon ng
sustainable alternative livelihood para sa mga apektadong residente lalo pa’t matatagalan bago makarekober ang bayan sa epekto ng oil spill.

Ani Cruz, mayroon lamang na P600,000 quick response fund ang lokal na pamahalaan ng Pola.

“Ilalatag nila sa akin by Monday at makikipag-usap ako sa fisherfolks natin. Ito ang hihingan namin ng budget para hindi kami laging nakaasa,” aniya.

Hindi na umaasa si Cruz na tutulong ang may-ari ng MT Princess Empress dahil hindi ito sumasagot sa kanila, dagdag pa ang kakulangan ng permit ng naturang barko para makakuha ng insurance benefits.

Ayon kay Cruz, mayroon na lamang 10 araw ang may-ari ng MT Princess Empress na sumagot sa panawagan nila o kung hindi ay maghahain na sila ng kaso laban sa mga may-ari nito.

Matatandaan na noong Pebrero 28 ay lumubog ang nabanggit na motor tanker matapos maka-engkwentro ng malalakas na alon.

May karga itong 800,000 litro ng industrial fuel oil. RNT/JGC