55-anyos na negosyante patay sa riding-in-tandem sa Nueva Ecija

55-anyos na negosyante patay sa riding-in-tandem sa Nueva Ecija

October 10, 2022 @ 4:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Isang 55-anyos na businessman ang ideneklarang patay makaraang pagbabarilin ng di nakilalang riding-in-tandem sa bayan ng Zaragoza, Nueva Ecija nitong Sabado, Oktubre 8.

Sa ulat ng pulisya, kinilala ni P/Major Ronnie G. Caagbay, hepe ng Zaragoza police station, ang napaslang na biktima na si Santos Batacan y Bonilla, may asawa at residente ng Brgy. Macabucod, Aliaga, Nueva Ecija.

Sa inisyal na imbestigasyon, ganap na 1:55 ng hapon ng mangyari ang insidente sa Purok 3 Brgy. Carmen, Zaragoza, Nueva Ecija na malapit sa Barangay Hall.

Ayon sa pulisya, isang concerned citizen ang tumawag sa telepono at ipinagbigay alam ang nasabing impormasyon hinggil sa nabanggit na pamamaril.

Kaagad naman na nagtungo ang grupo ng kapulisan sa lugar kung saan nangyari ang nabanggit na insidente.

Sa imbestigasyon, kasalukuyan umanong binabagtas ng biktima ang highway kasama ang asawa nito na si Gema Batacan y Nasi sakay ng minamanehong Mitsubishi RVR na kulay blue/gray at may plate number RCE 209 ng di-umano’y dikitan sila ng isang Honda 155 na motorsiklo na kulay itim/pula na walang plaka at walang habas na pinagbabaril ng nakaangkas na suspek ang negosyante.

Napag-alaman na ang suspek na bumaril sa biktima ay nakasuot ng kulay pulang balanggot at kulay itim na salamin.

Samantala, ang biktima ay nagtamo ng gunshot wounds sa iba’t ibang bahagi ng katawan o (6) na tama ng bala mula sa kalibre .45 na baril.

Maswerte naman na hindi nasaktan ang asawa ng biktima.

Matapos ang insidente, ang mga suspek ay mabilis naman na tumakas patungo sa pa-timog na direksyon gawing Brgy. Marawa, Jaen, Nueva Ecija. Elsa Navallo