550K overseas voters bumoto – DFA

550K overseas voters bumoto – DFA

May 12, 2022 @ 8:34 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Humigit-kumulang 550,000 overseas Filipino voters ang bumoto para sa Halalan 2022.

Ito ay  record high kumpara sa mga nakaraang taon, ayon sa isang opisyal ng Department of Foreign Affairs.

Sinabi ni Director Zoilo Velasco ng overseas voting secretariat ng DFA na sa halos 1.7 milyong rehistradong botante sa ibang bansa, nasa 33 porsiyento o hanggang 550,000 ang bumoto.

“Nalampasan na natin in terms of bilang rin ng mga boto na natanggap natin, mas mataas sa voter turnout na nakuha natin noong 2016 elections. So napakaganda at successful ang ating botohan,” ani Velasco sa isang briefing.

“Masasabi natin na this is a record-high in terms of voter turnout maliban sa noong unang-unang implementasyon ng overseas absentee voting… In terms of number, ito ang pinakamataas sa ngayon,” dagdag pa ni Velasco.

Ang voter turnout noong 2016 elections ay nasa 31.45 percent o 432,706, mula sa 1.38 million registered overseas voters noon, base sa DFA data.

Sinabi ni Velasco na ang canvassing ng mga boto ay patuloy pa rin at inaasahan ng kanyang tanggapan na matatapos ang pagpapadala ng mga resulta sa loob ng linggo.

Karamihan sa mga bumoto, aniya, ay mula sa mga bansa sa Middle Eastern.

Ang mga sumusunod na bansa ay may pinakamaraming bilang ng mga botante, batay sa mga ulat mula sa mga embahada at konsulado:

  • Hong Kong

  • Singapore

  • Dubai

  • Abu Dhabi

  • Riyadh

  • Kuwait

  • San Francisco

  • Tokyo

  • Doha

  • Jeddah

Ang overseas absentee voting ay tumakbo mula Abril 10 hanggang Mayo 9. RNT