574 sequenced samples Delta variant lahat- PGC

574 sequenced samples Delta variant lahat- PGC

December 12, 2021 @ 4:36 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Philippine Genome Center (PGC) nitong Linggo na Delta coronavirus disease (COVID-19) variant lahat ng na-sequence na samples mula Nobyembre hanggang Disyembre mula sa mga biyahero galing sa mga bansang may naitalang kaso ng Omicron, bukod sa isang naiulat na positibo sa B.1.1.203 variant.

“Last week, we sequenced about 574 and doon sa ating nai-sequence na ‘yon, puros naman ‘yon Delta. Tapos, gumawa rin tayo ng kung baga emergency run kasi may mga samples na nanggaling sa airport, at sa ating lumabas na sequencing, halos lahat naman doon Delta except na merong B.1.1.203,” ayon kay PGC Executive Director Dr. Cynthia Saloma sa dzBB.

Subalit nilinaw niya na hindi naman variant of concern o variant of interest ang B.1.1.203, maliban sa nagmula ito sa “B lineage”.

“‘Pag sinabi natin kasi na lineage na hindi naman variant of concern, most likely hindi naman siya nagco-contain ng mutations na concerning,” paliwanag niya.

“It’s a B.1.1.203, but it’s not classified as either a variant of concern or variant of interest sa dahilan na hindi naman siya nagkakaroon ng mga mutations kung saan parang you would think na meron siyang changes in transmissibility, wala namang ganoon,” dagdag ni Saloma.

Nilinaw naman ng Department of Health (DOH) nitong Sabado na walang nagpositibo sa Omicron variant mula sa 250 biyahero galing South Africa, na dumating sa bansa mula Nobyembre 15 hanggang 29.

Dumating umano sa bansa ang biyahero na nagpositibo sa B.1.1.203 COVID-19 variant noong Nobyembre 16 at lumabas ang resulta ng kanyang COVID-19 test noong Nobyembre 21.

Dagdag pa ni Saloma, hindi lamang nanggagaling sa airports ang sequencing ng PGC maging sa mga rehiyon na mayroong cluster ng kaso ng impeksyon, na ayon sa kanya ay karamihang Delta variants.

Binigyang-diin niya na hindi masasabing hindi kasing tindi ng Delta variant ang ibang variants nang walang sapat na clinical data.

“Kaya kailangan talaga nating pagaralan nang mabuti. That’s why nakita natin, for example, itong Omicron with so many mutations in the spike region. Ito ang sinasabi nating ‘the most evolved SARS-CoV-2 virus today’ itong Omicron kasi mga 50 mutations,” aniya. RNT/SA